Sabado, Disyembre 30, 2017

NAGDUDULOT NG KAGALAKAN

30 Disyembre 2017 
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


Itinatampok sa Ebanghelyo ang karakter ni Ana, ang asawa ni Simeon at isang propetang babae. Nang masilayan rin ni Ana ang Sanggol na Hesus na kalong-kalong ng kanyang kabiyak ng pusong si Simeon sa kanyang mga bisig, siya'y nagpasalamat at nagpuri sa Diyos nang buong kagalakan. Siya'y napuspos ng kagalakan sapagkat nakita na ng kaniyang mga mata ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dumating na ang pinakahihintay na Tagapagligtas. Tinupad na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Kaya naman, matapos niyang masilayan ang Banal na Sanggol, si Ana ay nagsalita tungkol sa Kanya sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem. Nagbigay ng patotoo si Ana tungkol sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao na sa simula pa lamang ay Siya na, tulad ng winika ni Apostol San Juan tungkol sa Kanya sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat (2, 13).

Si Ana ay napuspos ng galak sapagkat nasaksihan niya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo. Dumating na sa wakas ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na matagal nang pinanabikan ng sambayanang Israel. Nangako ang Diyos noong kapanahunan ng kanilang mga ninuno, ang panahon ng Matandang Tipan, na Siya'y darating bilang Mesiyas at Manunubos. Ang bayang Israel ay nanabik nang buong kagalakan para sa araw na ito. Hinintay nila nang may buong galak ang pagsapit ng araw na iyon kung kailan tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kaya naman, nang makita ni Ana ang Banal na Sanggol na si Hesus, buong galak siyang nagpuri't nagpasalamat sa Diyos at nagpatotoo sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem tungkol sa Banal na Sanggol. 

Hinding-hindi nakakalimot ang Diyos sa Kanyang pangako. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang bayan. Lagi Niyang naaalala ang Kanyang bayan. Lagi Niyang natatandaan ang Kanyang pangakong binitiwan. Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Pinatunayan Niya ang Kanyang katapatan sa pangakong binitiwan noong Siya'y pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pammaagitan nito'y tinupad ng Diyos ang  pangakong binitiwan. At sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan, ang Diyos ay naghatid, nagdulot ng kagalakan sa lahat ng tao na labis Niyang minamahal at kinahahabagan nang buong katapatan. At ang katapatan, pag-ibig, at habag ng Maykapal para sa sangkatauhan ay tunay at totoo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento