27 Disyembre 2017
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-8/Salmo 96/Juan 20, 2-8
Ang alagad na minamahal ng Panginoong Hesus ay isa sa apat na manunulat ng Mabuting Balita. Ang tungkulin ng apat na Manunulat ng Mabuting Balita na mas kilala bilang mga Ebanghelista ay magpatotoo tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tayo'y tubusin mula sa kasalanan at kasamaan. Ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na yakapin ang ating pagkatao (maliban sa kasalanan) at mamuhay sa ating piling bilang kaisa natin upang tayong lahat ay iligtas mula sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Sa ganitong pamamaraan Niyang ipinamalas sa ating lahat ang Kanyang habag at kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan.
Binigyang-diin ni Apostol San Juan sa simula ng kanyang unang sulat na ating narinig sa Unang Pagbasa ang kanyang tungkulin bilang saksi ng Panginoong Hesus. Binigyang-diin niya na bilang saksi ng Panginoong Hesus, tungkulin niya ang ipakilala Siya sa lahat bilang Panginoon at Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Ito ang Mabuting Balitang nagdudulot ng kagalakan sa lahat. Tunay ngang mabuti at maganda ang balitang hatid ng Banal na Ebanghelyong ipinapalaganap at ipinapangaral ng mga sumasaksi kay Kristo. Nagdudulot ng kagalakan sa lahat ang Mabuting Balitang pinatotohanan ng mga saksi ni Kristo sa lahat ng nakakarinig nito sapagkat natitiyak nilang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Tunay ngang mayroong Diyos na nahahabag at nagmamagandang-loob sa sangkatauhan sa kabila ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya na Siyang bukal ng lahat ng kabutihan at kabanalan.
Sa salaysay ng Ebanghelyo ngayon, pinatotohanan ni San Juan na totoo ngang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Nakita nina Apostol San Pedro at ng minamahal na alagad ni Hesus na si Apostol San Juan ang libingang walang laman. Nakita nila na wala nang laman ang libingan ni Hesus. Si Hesus ay muling nabuhay at nagtagumpay laban sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito'y nagtagumpay ang kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ang Salita ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa lupa at nagkatawang-tao katulad natin. Si Hesus ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban noong unang Pasko upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang kagalakan at kagalakang dulot ng kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos.
Pinatotohanan ni Apostol San Juan sa kanyang pagsaksi sa Panginoong Hesus ang dahilan kung bakit Siya'y naging Sanggol noong unang Pasko. Ang Sanggol na Hesus ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko upang ihayag sa lahat na tunay ngang mayroong habag at kagandahang-loob ang Diyos. Dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, pumanaog sa lupa, at magkatawang-tao upang tayo'y iligtas. At tunay ngang nagdudulot ng kagalakan sa lahat ng tao ang katotohanang ito tungkol sa tunay na habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento