5 Nobyembre 2017
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Malakias 1, 14b-2, 2b. 8-10/Salmo 130/1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13/Mateo 23, 1-12
Photo credits: https://www.agnusday.org/ |
Dalawang ulit nagparinig ang Panginoong Diyos sa mga Pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias, pinaringgan ng Diyos ang mga punong saserdote dahil sila'y nagpamalas ng kapaimbabawan. Sa halip na ilapit ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga turo, lalo pang sumuway at napalayo sila sa Kanya. Sa pamamagitan ng kanilang kapaimbabawan, ang mga punong saserdote ay sumuway sa utos ng Diyos. Sa Ebanghelyo, muling pinaringgan ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang mga eskriba't Pariseo dahil sa kanilang pagpapamalas ng kapaimbabawan. Nagtuturo sila tungkol sa Kautusan ni Moises, subalit hindi nila ito isinasabuhay.
Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kapaimbabawan. Ang kapaimbabawan ay taliwas sa mga utos ng Diyos. Ang kapaimbabawan o pagbabalatkayo ay isang uri ng panlilinlang. Nililinlang ang kapwa dahil hindi umaakma ang mga salita sa mga kilos at gawa; magkasalungat ang wika at ugali. Para bang gumagawa lamang ng palabas sa harap ng kapwa. Puro dakdak, puro satsat, subalit hindi naman isinasagawa. Kaplastikan. Pagbabalatkayo. Sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, nalilinlang at naloloko lamang ang kapwa. At iyan ay taliwas sa kalooban ng Diyos.
Nais ng Diyos na isabuhay ang Kanyang Salita na ating narinig at ibinabahagi sa iba. Nais ng Diyos na maging tapat at totoo tayo. Ang paggamit ng ating mga salita ay hindi sapat sa mga mata ng Diyos. Kinakailangang may kalakip na gawa ang mga salitang ating ibinabahagi. Kapag ang Salita ng Diyos ay ibinabahagi natin sa kapwa, kailangan nating magpakatotoo at maging tapat sa apostoladong ito. Kailangan nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Dapat umakma ang ating mga salita't kilos kapag ibabahagi natin ang Salita ng Diyos sa kapwa. Ipamumukha naman kasi natin na mapanlinlang ang Diyos kapag hindi umakma ang ating mga salita't pagkilos. At alam natin na hindi sinungaling ang Diyos. Dahil ang Salita ng Diyos ang katotohanan. Katotohanan ang nais ipalaganap ng Diyos, hindi kasinungalingan at kalokohan.
Isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paanong tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang Salita ng Diyos. Tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang Salita ng Diyos na ipinangaral nina Apostol San Pablo sa kanila bilang tunay na galing sa Maykapal at hindi galing sa tao. Tinanggap nila na ang Ebanghelyong kanilang narinig mula kina Apostol San Pablo ay tunay na Salita ng Diyos. Nabatid nila na hindi gawa-gawa ng tao, hindi peke, hindi kathang-isip lamang ang Mabuting Balitang ipinapangaral sa kanila ni Apostol San Pablo. Napagtanto nila na ang Salita ng Diyos na ipinapangaral sa kanila nina Apostol San Pablo ay tunay at totoo. Nakilala nila ang Diyos na Siyang bukal ng katotohanan at kabutihan. At ang Kanyang Salita na puno ng katotohanan at kabanalan ay kanilang tinanggap ng buong pusong pagtalima sa Kanya.
Layunin ng Salita ng Diyos na ipalaganap ang katotohanan at kabanalan. Ang Diyos ang bukal ng katotohanan at kabanalan. Hindi kasinungalingan o kalokohan ang hatid Niya sa ating lahat. Bagkus, ang hatid Niya sa ating lahat ay katotohanan at pagpapala. Ang Diyos na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan at katotohanan ay hindi nagnanais na manlinlang o may mangyaring masama sa bawat isa sa atin na Kanyang iniibig nang tunay at wagas.
Tinatawag at hinihirang tayo ng Diyos na sumaksi at maglingkod sa Kanya. Bilang mga saksing naglilingkod sa Kanya, tungkulin natin ang ipangaral at ipalaganap ang Kanyang Banal na Salita sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Ang pangangaral at pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay hindi dapat sa salita lamang ipinapakita kundi dapat pati na rin sa mga gawa. Dapat umakma ang ating mga salita't mga kilos. Dapat nating isabuhay ang Salita ng Diyos na ating ipinapalaganap. Ang paglilingkod at pamamanata sa Panginoong Diyos ay hindi lamang sa salita; kinakailangan nating isabuhay ang paglilingkod at pamamanata sa Panginoong Diyos, kung tunay ngang naglilingkod at namamanata tayo sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento