2 Nobyembre 2017
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/2 Corinto 5, 1. 6-10/Lucas 23, 33. 39-43
Ang araw na ito'y inilaan ng Simbahan para sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga kaluluwang sa Purgatoryo. Tiyak na makakapasok sa langit ang mga kaluluwa sa Purgatoryo pagkatapos ng proseso ng pagdadalisay sa Purgatoryo. Dahil sa dungis ng kasalanang benyal, kinakailangang dalisayin ang mga kaluluwang ito bago tuluyang makapasok sa kalangitan kung saan makakapaghimlay magpakailanman sa piling ng Diyos. Sa Purgatoryo, dinadalisay ang mga kaluluwa upang ihanda sila para sa kanilang pagpasok sa kalangitan pagdating ng panahon.
Tinatawag rin silang mga kaawa-awang kaluluwa dahil hindi nila maaaring ipagdasal ang kanilang mga sarili. Umaaasa sila sa mga panalangin natin. Kailangan nila ang mga panalangin natin upang lalong mapadali ang proseso ng pagdalisay sa kanila nang sa gayo'y makapasok na sila sa langit. Hangad nilang makapasok sa langit upang makamit nila ang walang hanggang kapahingahan at kaginhawaan sa piling ng Panginoon sa kalangitan.
Sa Ebanghelyo, ipinangako ng Panginoong Hesus sa mabuting salaring ipinakong kasama Niya na si Dimas na siya'y isasama Niya sa Paraiso. Iyan ang natatangi't nag-iisang asam-asam ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Makapiling ang Panginoon magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit, ang tunay na Paraiso, ang tahanang hindi nasisira, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Corinto. Upang mangyari iyon, kailangan nating mag-alay ng mga panalangin para sa kanila, katulad ng ginawa ni Judas Macabeo sa Unang Pagbasa.
Hinahangad nating lahat na makapiling ang Maykapal sa kalangitan pagdating ng takdang panahon. Ito rin ang iisang hangarin ng mga kaluluwa ng mga yumaong nasa Purgatoryo. Umaaasa sila sa ating mga panalangin sapagkat hindi sila makakapag-alay ng mga panalangin para sa mga sarili nila. Manalangin tayo nang taimtim para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo upang makapasok sila sa langit kung saan makakapaghimlay sila sa piling ng Mahal na Poon magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento