29 Oktubre 2017
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40
Kung sasaliksikin nang mabuti ang Sampung Utos ng Diyos, mapagtatanto natin na ang mga utos na ito ay naka-ugat sa pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Kung bibigyan natin nang buod ang mga utos ng Diyos, maaari nating sabihin na inuutusan tayo ng Diyos na ibigin Siya at ang kapwa. Kung paano Niya tayong inibig nang lubos, nararapat lamang na ipakita natin ang ating pag-ibig para sa Kanya at para sa kapwa. Sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang mga utos, ipinapakita natin na tunay ang ating pag-ibig sa Panginoon.
Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus ang pinakamahalagang utos bilang tugon sa katanungan ng isang dalubhasa sa Kautusan. (1) Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. (2) Ibigin ang kapwa gaya ng sarili. Ang dalawang utos na ito ang buod ng mga utos ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad sa dalawang utos na ito, natutupad ang mga utos ng Diyos. Dahil ang dalawang utos na ito ay ang mga utos ng Diyos na binalangkas, binuod, pinaikli lamang sa dalawang bahagi.
Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Nararapat lamang na ang Panginoong Diyos ay ibigin nang higit sa lahat. Siya ang dapat maging sentro ng ating buhay. Nararapat lamang na Siya'y ating ibigin, sambahin, at paglingkuran. Walang dapat umagaw sa pwesto ng Diyos sa ating buhay. Dapat Siya lamang ang nasa sentro ng ating buhay. Kung paanong tinalikuran ng mga taga-Tesalonica ang kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan at iba pang mga makasalanang gawain upang maglingkod sa Diyos, tulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, dapat nating talikuran ang mga makasalanan nating pamumuhay. Dapat nating paglingkuran, ibigin, at sambahin ang Diyos na Siyang lumikha at tumubos sa ating lahat dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang katapusan.
Subalit, hindi sapat na ibigin lamang ang Diyos. Kaya nga, ang pangalawang utos, ibigin ang kapwa gaya ng sarili. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat, dapat rin nating ibahagi ang pag-ibig ng Diyos sa kapwa. Hindi natin dapat angkinin para sa sarili lamang ang pag-ibig na ibinahagi sa atin ng Diyos. Dapat nating itong ibahagi, tulad ng Kanyang ninanais. Kaya nga, sa Unang Pagbasa, ipinagbawal ng Diyos ang pang-aapi. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang pang-aapi sa iba. Dahil ang pang-aapi ay taliwas sa Kanyang kalooban. Bukod pa roon, kapag inapi ng bawat isa ang kapwa-tao, inaapi ang Diyos. Dahil tayong lahat ay nilikha na kawangis ng Diyos (Genesis 1, 26).
Hindi lang pag-ibig sa Diyos ang nais ituro ng Kautusan. Nais ituro ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga utos na dapat nating ibigin ang kapwa. Tulad ng ginawa Niyang pagbabahagi sa atin ng Kanyang dakilang pag-ibig. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin, dapat rin nating ibahagi sa ating kapwa ang pag-ibig na ibinahagi sa atin ng Diyos. Sa gayon, naipapalaganap natin ang pag-ibig ng Panginoong Diyos na bukal ng pag-ibig. Anuman ang ating ipakita o gawin para sa ating kapwa, ginagawa rin natin iyon sa Poong Maykapal. Dahil ang bawat tao'y nilikhang kawangis ng Maykapal.
Kung tunay nating iniibig ang Diyos, tatalima tayo sa Kanyang mga utos. Kung iniibig natin ang Diyos nang tunay, iibigin rin natin ang ating kapwa. Sa pamamagitan nito, naipapalaganap natin ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan rin nito, nagkakaroon ng kaganapan ang mga utos ng Diyos. Sapagkat ang mga utos ng Diyos ay bunga ng pag-ibig, pag-ibig sa Kanya at sa kapwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento