Sabado, Oktubre 7, 2017

ANG KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS

8 Oktubre 2017 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 


Isang buod ng mahabang salaysay ukol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang ibinahagi ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang may-ari ng ubasan (na sumasagisag sa Diyos) ay nagtanim ng ubas sa kanyang bukid bago nag-ibang bayan. Nang dumating ang panahon ng pitasan, ipinadala ng may-ari ang kanyang mga alipin sa mga kasama sa ubasan upang kunin ang kanyang kaparte. Subalit, ang mga aliping ipinadala ng may-ari ng ubasan ay sinunggaban at pinatay ng mga kasama. Sa kahuli-huliha'y ipinasiya ng may-ari ng ubasan na isugo ang kanyang anak, baka-sakaling igalang siya ng mga kasama. Subalit, sa kasiwang palad, walang awang sinunggaban at pinatay ng mga kasama ang anak ng may-ari ng ubasan. 

Sa pamamagitan ng talinghagang ito, ibinunyag ng Panginoong Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Para bang inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito ang Kanyang kamatayan sa kamay ng mga punong saserdote, mga matatanda ng bayan, at iba pang mga autoridad. Inilarawan ni Hesus na Siya'y hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan bilang Mesiyas at Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong itinakwil at pinatay ang mga propeta sa Lumang Tipan, gayon din naman, Siya'y itatakwil at papatayin. 

Naranasan ng Anak ng Diyos ang kalupitan ng Kanyang bayan. Naranasan Niya ang pagtakwil ng Kanyang bayan. Kahit na Siya ang makapangyarihan sa lahat, kahit na Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, hindi Siya naging ligtas mula sa kasamaan at kalupitan ng Kanyang bayan. Kahit na minahal Niya ang Kanyang bayan, nilusob Siya ng pagtakwil nila sa Kanya bilang Mesiyas at Manunubos. Kung paanong itinakwil ng bayang Israel ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga masasamang gawain na inilarawan sa talinghaga ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa (5, 1-7), gayon din naman, ang Nazarenong si Hesus ay itinakwil at pinatay ng Kanyang mga kababayan na inimpluwensyahan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan na inggit sa Kanya. 

Subalit, hindi nagwakas ang lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. Hindi nanatili sa libingan ang Panginoong Hesus. Bagkus, pagsapit ng ikatlong araw, Siya'y bumangon at lumabas mula sa libingan taglay ang Kanyang maningning na kaluwalhatian. Ang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, tinubos ang sangkatauhan. 

Kaya naman, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano sa Filipos sa Ikalawang Pagbasa na isagawa ang lahat ng kanyang mga itinuro niya sa kanila. Wala siyang ibang itinuro sa kanila kundi ang Mabuting Balita ukol sa pagliligtas ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Hinihimok niya ang lahat ng mga Kristiyano, hindi lamang ang mga nasa bayan ng Filipos, na isabuhay ang mga aral at utos ni Kristo sa Ebanghelyo. Iyan lamang ang munti nating magawa para sa Kanya. Isabuhay ang mga aral ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesukristo. Inalay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang buhay para sa ating lahat. Ialay naman natin ang ating buhay sa Kanya. Nararapat lamang na tuparin natin ang utos ng Poong Maykapal na gumawa ng maraming dakila at kahanga-hangang bagay para sa ating lahat. 

Ang kahanga-hangang gawa ng Diyos ay ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na pumanaog sa sanlibutan nang buong kababaang-loob upang iligtas ang sangkatauhan, sa kabila ng pagtakwil sa Kanya ng Kanyang mga kababayan. Tinanggap Niya ang lahat ng pagtakwil at pagdurusang ipinataw sa Kanya upang ipamalas ang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinamalas sa lahat ang kahanga-hangang gawa ng Maykapal. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento