1 Oktubre 2017
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ezkekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32
"Mas malakas ang pagkilos kaysa sa salita." Ang kasabihang ito ay napakasikat. Isinasalungguhit ng kasabihang ito ang kahalagahan ng pagkilos. Hindi sasapat ang mga salita lamang. Magkalakip ang mga salita at mga gawa. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang salita't gawa. Ang mga gawa o pagkilos ang magpapatunay kung totoo ngang pinapahalagahan natin ang ating mga salita. Ipinapakita ng mga gawa kung tayo ba'y totoo sa ating mga prinsipyo o nagyayabang lamang.
Naaangkop rin ang kasabihang ito sa ating pananampalataya. Sabi ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa." (2, 14-17) Kung hindi natin isinasabuhay ang ating pananampalataya, walang kabuluhan ang ating pananampalataya. Walang saysay ang ating pananampalataya sa Panginoon kung hindi naman natin ito ipapakita sa pamamagitan ng ating mga gawa. Pinalalabas lamang natin sa pamamagitan noon na tayo'y nagmamataas lamang, hindi sinsero, hindi tapat at totoo sa ating pananampalataya. Ang ating mga pagkilos o mga gawa ang nagpapatunay kung tayo ba'y tapat at totoo sa ating pananampalataya sa Diyos o gumagawa lamang ng walang kwentang palabas.
Isinalungguhit rin ng mga Pagbasa ang temang ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na mabubuhay ang mga makasalanang nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at gumawa ng kabutihan. Ibubuhos sa kanila ng Diyos ang Kanyang Awa't Pag-Ibig na wagas dahil sa kanilang pagsisisi't pagbabalik-loob sa Kanya. Sa Ikalawang Pagbasa, hinimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga mananampalataya na tularan ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesukristo - ang Kanyang pagiging masunurin sa Ama. At sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ng dalawang anak kung paanong nakamit ng mga makasalanang nagsisisi't nagbabalik-loob ang wagas na pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos.
Hindi sapat ang mga salita upang patunayan na totoo ang ating pananampalataya't pamamanata sa Diyos. Kinakailangan nating dugtungan ng mga gawa o pagkilos ang ating mga salita. Ang mga gawa ang magpapatunay kung tayo'y sinsero sa ating pananampalataya't pamamanata sa Panginoon o kung hanggang satsat lamang tayo. Walang kabuluhan ang ating pananampalataya't pamamanata sa Panginoon kung puro lamang tayo salita subalit walang kalakip na gawa o pagkilos. Hindi rin natin mararanasan ang paglingap ng Diyos kung ang pananampalataya natin ay puro lamang salita na walang kalakip na pagkilos.
Kung nais nating maranasan ang paglingap ng Panginoon, kinakailangan nating ipakita sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang ating pagtalima sa Kanya. Ang pagtalima sa Panginoon ang nagpapatunay na totoo ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Mapapatunayan lamang natin na totoo ang ating pagtalima sa Panginoon, ang ating pananampalataya't pamamanata sa Kanya, sa pamamagitan ng ating mga salita't pagkilos. Kung magkagayon, mararanasan natin ang paglingap ng Panginoong Diyos sa ating lahat. Kung ihahayag nating lahat sa pamamagitan ng ating mga salita't kilos ang ating pagtalima sa kalooban ng Diyos, mapapatunayan natin na tayo'y tunay na sinsero sa ating pananampalataya't pamamanata sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento