3 Setyembre 2017
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27
Ayon sa isang alamat mula sa tradisyong Kristiyano, si Apostol San Pedro ay umalis ng Roma upang takasan ang parusang kamatayan noong kapanahunang yaon. Ang uri ng pagbitay na ipinapataw ng gobyerno ng Roma noon sa mga hindi taga-Roma katulad ni Apostol San Pedro ay ang kamatayan sa krus. Tanging mga mamamayan ng Roma lamang ang hindi pinapatawan ng ganoong uri ng pagbitay noon.
Habang tumatakas mula sa lungsod ng Roma, nakatagpo ni Apostol San Pedro sa daan ang Panginoong Hesus, pasan-pasan ang krus. Tinanong ni Apostol San Pedro ang Panginoon, "Quo vadis?" ("Saan po kayo pupunta?") Sumagot sa kanya ang Panginoon nang ganito, "Romam eo iterum crucifigi." ("Sa Roma upang doo'y muling ipako sa krus.") Dahil sa pagtatagpong ito, nagkaroon ng katatagan ng loob si Apostol San Pedro upang bumalik sa Roma at ipagpatuloy ang kanyang ministeryo bilang unang Santo Papa ng Simbahan, sa kabila ng matinding panganib na naghihintay sa kanya. Humantong ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay sa krus nang patiwarik sa kamay ng mga autoridad noon.
Pag-aalay ng sarili sa Panginoon ang temang isinasalungguhit ng mga Pagbasa ngayon. Ang pag-aalay ng sarili sa Panginoon ay napakahalaga para sa bawat Kristiyano. Kinakailangang ialay ang buong sarili sa Kanya. Ipinapakita nito ang ating pagtalima at pananalig sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa Panginoon, hinahayaan nating matupad ang Kanyang kalooban.
Inihayag ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang tunay niyang minimithi. Iisa lamang ang minimithi ni propeta Jermias - makamit ang paglingap ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-alay ng kanyang buhay para sa Kanya. Wala siyang ibang hangarin. Mas mamatamisin niyang pagtawanan at kutyain siya ng mga tao para sa kanyang tapat na paglilingkod sa Panginoon. Nais ni propeta Jeremias na siya'y lingapin ng Diyos kaysa lingapin ng tao. Ang tanging hangarin ni propeta Jeremias ay ialay ang kanyang buhay para sa katuparan ng kalooban ng Diyos.
Binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma ang pag-aalay ng sarili sa Diyos. Inihayag ni Apostol San Pablo na ang pag-aalay ng buong sarili sa Diyos bilang handog ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Kinalulugdan ng Diyos ang mga buong puso't kaluluwang naghahandog ng sarili sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghandog ng sarili sa Panginoon, tayo'y tumatanggap at tumatalima sa Kanyang kalooban. Hinahayaan nating magkaroon ng kaganapan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan nito.
Mayroong dalawang bahagi ang Ebanghelyo ngayon. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa mga apostol ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay sa unang pagkakataon. At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang kundisyon sa pagiging tagasunod Niya. Sa dalawang bahaging ito, binigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Kung paanong inihandog ni Hesus ang Kanyang buong sarili upang matupad ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Pagkabuhay, gayon din naman, dapat nating ihandog ang buo nating sarili upang matupad ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghandog ng buo nating sarili sa Diyos, ipinapakita natin ang ating pananalig at pagtalima sa Kanyang kalooban. Kapag ginawa natin iyon, makakamit natin ang paglingap ng Diyos.
Kinalulugdan ng Diyos ang mga naghahandog ng sarili sa Kanya. Ang pag-aalay ng sarili bilang handog sa Panginoon ay nagpapakita ng pananalig at pagtalima sa Kanya. Nakakamit ng mga naghahandog ng sarili sa Panginoon ang Kanyang paglingap. At sa pamamagitan ng gawang ito, pinahihintulutan at hinahayaan ng mga naghahandog ang Diyos na tuparin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng paghandog ng sarili sa Diyos, pinipili't tinatanggap ang Kanyang kalooban kaysa ang kalooban at naisin ng sarili. At ang kalooban ng Diyos ay tunay na dakila at walang kapantay kung ito'y ikukumpara sa kalooban ng sarili.
Paano maging tunay na Kristiyano? Paano maging isang tunay na tagasunod ng Panginoong Hesukristo? Paano nating makakamit ang paglingap ng Diyos? Limutin at talikuran ang sarili. Isentro natin ang Diyos sa ating buhay. Ipagkatiwala ang sarili sa Kanya. Ialay natin ang ating buhay at sarili sa Diyos bilang handog. Hangarin natin na magkaroon ng katuparan ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, ibinibigay natin ang ating pananalig at pagtalima sa Diyos. Sa gayon, lalo nating binibigyan ng luwalhati ang Poong Maykapal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento