Sabado, Setyembre 23, 2017

DIYOS ANG BUKAL NG KABUTIHAN

24 Setyembre 2017 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a


Isinalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang kabutihan ng Diyos. Wagas ang kabutihan ng Diyos. Walang hanggan, hindi nagmamaliw ang Kanyang kabutihan. Hindi mapapantayan ng sinuman ang kabutihan ng Diyos. Walang higit na mabuti kaysa sa Kanya Tanging ang Diyos lamang ang pinakamabuti sa lahat. Siya ang pinakamabuti sa lahat. Ang Diyos mismo ang bukal ng kabutihan. Una Niyang ipinamalas ang Kanyang kabutihan noong nilikha Niya ang langit at lupa, lalung-lalo na noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Subalit, ang pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas ang pinakadakilang pagpapamalas ng kabutihan na ginawa ng Diyos. 

Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa kabutihan ng Diyos. Kung ang bawat tao'y magsisisi't tatalikod sa kanilang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Diyos, makakamit niya ang Kanyang pagpapatawad. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga magsisisi't magbabalik-loob sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Bagkus, agad Niya itong ibibigay at ibubuhos sa kanila. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan sa lahat ng mga taos-pusong magbabalik-loob sa Kanya. 

Hinihimok ni Apostol San Pablo ang bawat Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na magsikap na mamuhay ayon sa Mabuting Balita ni Kristo. Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Ebanghelyo ni Kristo, tayo ay nagbibigay ng karangalan kay Kristo. Bakit kailangan nating magbigay ng karangalan kay Kristo? Ipinamalas ni Kristo ang walang hanggang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Hindi natin mapapantayan ang ginawa ni Kristo para sa atin upang tayo'y iligtas. Ang magagawa lamang natin ay bigyan Siya ng karangalan sa pamamagitan ng pamumuhay nang ayon sa Mabuting Balita tungkol sa Kanya. Isabuhay ang Mabuting Balita ni Kristo. Sapat na iyon upang bigyan ng karangalan ang Mahal nating Panginoon at Manunubos na si Hesus. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ukol sa mga manggagawa sa ubasan ang kabutihan ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Lahat ay espesyal sa paningin ng Diyos. Kaya naman, ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang kabutihang walang kapantay sa bawat isa. Sa mga mata ng Diyos, walang higit na dakila sa bawat isa. Tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Walang mayaman o mahirap, walang higit na dakila kaysa iba, lahat ay magkakapantay sa paningin ng Panginoon. Kaya nga, wika ni Hesus sa pagtatapos ng Mabuting Balita ngayon, "Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli." (20, 16a) 

Tunay at wagas ang kabutihan ng Diyos. Ang kabutihan ng Diyos ay walang kapantay at walang hanggan. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan. Siya lamang ang mabuti. Ang Kanyang kabutihan ay hindi tulad ng kabutihang ipinapakita ng mundo. Higit na dakila ang kabutihan ng Diyos kaysa sa kabutihang mula sa sanlibutan. Higit na dakila ang kabutihan ng Diyos kaysa sa kabutihan ng tao. Ang lahat ng Kanyang mga ginawa ay nagpapatotoo sa dakila Niyang kabutihan na walang katapusan. Ang ating buhay at ang lahat ng mga pagpapalang ating natanggap mula sa Panginoon ang nagpapatotoo sa Kanyang wagas na kabutihan.

Patuloy na ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang kabutihang-loob. Nawa'y mahimok tayong mamuhay para sa Kanya. Tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Salita ng Panginoon, binibigyan natin Siya ng papuri't karangalan. Nararapat lamang magbigay ng luwalhati at karangalan sa Panginoong Diyos na hindi nagsasawa sa pagpapakita't pagbabahagi ng Kanyang wagas at walang hanggang kabutihan sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento