Lunes, Setyembre 4, 2017

MARIA: ISINILANG PARA SA ISANG NAPAKAHALAGANG MISYON

8 Setyembre 2017 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 




Ang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan. Si Maria ang babaeng bukod na pinagpala ng Diyos sa lahat ng kababaihan. Si Maria ay hinirang upang maging ina ng Mesiyas at Mananakop ng sangkatauhan na si Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao para sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng tao. Matapos ang kanyang kalinis-linisang paglilihi at pananahan sa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana sa loob ng siyam na buwan, isinilang ang Mahal na Birheng Maria. At ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay nagdulot ng matinding kagalakan sa kalangitan sapagkat isinilang na ang Kaban ng Bagong Tipan. Isinilang ang magiging tagapagdala ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. 

Inilarawan sa mga Pagbasa ngayon ang papel ng Mahal na Birheng Maria sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Mahal na Birheng Maria ang babaeng itinutukoy ni propeta Mikas sa Unang Pagbasa. Siya ang babae na maglilihi at mangaganak ng isang sanggol na itinakdang maging haring dakila. Mula sa kanyang sinapupunan magmumula ang Hari ng mga Hari. Sa kanyang sinapupuna'y magmumula ang kaligtasang kaloob ng Diyos. Inihayag rin ni San Mateo sa Ebanghelyo na si Maria ang dalagang itinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya tungkol sa Mesiyas. Si Maria ang dalagang hinulaan ni propeta Isaias na maglilihi at manganganak sa Mesiyas na si Kristo Hesus, ang Diyos na laging sumasaatin, Emmanuel. 

Mahalaga ang papel ng Mahal na Birheng Maria sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Siya ang naging tahanan ng Banal na Sanggol na si Hesus sa loob ng siyam na buwan hanggang sa Kanyang pagsilang sa mundo. Siya ang nagsilang sa Mesiyas. Siya ang nag-aruga sa Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. At bilang abang lingkod ng Diyos, buong puso't pananalig na tinanggap ng Mahal na Inang si Maria ang papel na ibinigay sa kanya. 

Hindi madali para sa Mahal na Birheng Maria na gampanan ang papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. Maraming mga pagsubok ang kinailangan niyang harapin. Isang halimbawa nito ay binanggit ni San Mateo sa Ebanghelyo. Bago pa man siya ikasal kay San Jose, natagpuan siyang nagdadalantao. At ayon sa batas ng mga Hudyo, ang mga natagpuang nagdadalantao sa labas ng kasal ay babatuhin hanggang sa mamatay. Subalit, nanalig si Maria na ang Diyos ang bahala sa kanya. Si Maria ay nanalig na siya'y ililigtas ng Diyos mula sa anumang panganib na magiging hadlang sa pagtupad ng pananagutan niya sa Diyos. At iyon nga ang nangyari. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay hinirang ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon. Binigyan siya ng isang mahalagang papel sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo. Ang kanyang sinapupunan ang magiging tahanan ni Kristo Hesus sa loob ng siyam na buwan. Ang papel na ginampanan ng Mahal na Ina ay hindi madali. Subalit, sa kabila nito, patuloy na nanalig ang Mahal na Ina sa Diyos na nagliligtas. Buong pusong nanalig si Maria na siya'y kahahabagan at tutulungan ng Diyos upang magkaroon ng katuparan ang Kanyang kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento