28 Setyembre 2017
Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12
(*Maaaring laktawan)
Napakahalaga ang araw na ito para sa bawat Pilipinong Katoliko sapagkat ginugunita natin sa araw na ito ang buhay at kagitingan ni San Lorenzo Ruiz de Manila, ang unang Pilipinong Santo't Martir ng Simbahan. Ipinakita ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang kagitingan sa harap ng matinding panganib. Kahit nanganganib ang kanyang buhay sa bansang Hapon dahil sa kalupitan ng gobyerno ng bansang iyon sa mga Kristiyano noong kapanahunang yaon, nagpakita siya ng kagitingan noong pinanindigan niya ang kanyang pananampalataya bilang Katoliko. Kahit na labis siyang pinahirapan ng mga autoridad, hindi tinalikuran ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Panginoong Diyos. Bagkus, ipinasiya niyang manatiling Katoliko hanggang kamatayan.
Angkop na angkop ang mga piling Pagbasa para sa araw na ito sapagkat ang mga katangiang ito'y ipinamalas ni San Lorenzo Ruiz sa kanyang pagkamartir. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Sirak na ang sinumang nagnanais maglingkod sa Panginoon ay dapat maging tapat at matatag sa panahon ng pagsubok. Sa Ebanghelyo, itinuro ni Hesus kung sino ang mga mapapalad. Isang pangkat na kabilang sa hanay ng mga mapapalad ay ang mga inuusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pagkamartir, si San Lorenzo Ruiz ay nagpakita ng halimbawa ng pagiging isang tapat na lingkod ng Panginoon. Kahit na hindi naging madali para sa kanya gawin iyon, pinili ni Lorenzo na manatiling tapat sa kanyang pananampalataya at paglilingkod sa Diyos.
Hindi naging madali para kay San Lorenzo Ruiz na magpasiya kung itatakwil niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos upang mamuhay nang malaya o kaya mamatay bilang isang Katolikong martir. Maaari niyang iligtas ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtakwil sa kanyang pananampalataya sa Diyos bilang Katoliko. Maaari naman niyang ipasiyang mamuhay nang malaya. Subalit, ipinasiya niyang manatiling tapat sa Diyos. Kahit hindi madali gawin ito, pinili ni San Lorenzo Ruiz na manatiling tapat sa Diyos. Mas minatamis pa niyang mamatay alang-alang sa Panginoon kaysa talikuran Siya kapalit ng kanyang buhay sa lupa. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang kagitingan at katapatan sa kanyang pananampalataya sa Dios. Buong kagitingan at katapatan na ipinaglaban ni Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pasiyang mag-alay ng buhay para sa Kanya.
Si San Lorenzo Ruiz ang ating huwaran ng kagitingan at katapatan. Buong kagitingan siyang nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya sa Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa kamay ng mga autoridad. Kahit na mahirap itong gawin, pinili ni San Lorenzo Ruiz na maging martir ng Diyos. Pinili ni San Lorenzo Ruiz na ialay nang buong katapatan ang kanyang buhay sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng buhay bilang paninindigan para sa kanyang pananampalataya sa Diyos, nakita ang kagitingan at katapan ni San Lorenzo Ruiz.
Isang halimbawa ng kagitingan at katapatan si San Lorenzo Ruiz. Nawa'y matularan natin ang kagitingan at katapatan ipinakita ni San Lorenzo Ruiz noong ipinasiya niyang ialay ang kanyang buhay para sa Diyos. Tulad ng unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz, ialay nawa nating lahat ang ating mga abang sarili sa Diyos. Tanggapin at sundin natin ang Kanyang kalooban nang buong katapatan at kagitingan, gaano mang kahirap gawin ito. Sa gayon, tayo ay magiging mga tunay na mapalad sa paningin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento