Linggo, Setyembre 10, 2017

LAGING ALALAHANIN ANG PANGINOONG DIYOS NA NAGLIGTAS

14 Setyembre 2017 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17



Ang pinakamahalagang simbolo ng Kristiyanismo ay ang krus. Sinasagisag ng krus ang kaligtasan ng sangkatauhan. Iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang krus, na dati-rati'y sumasagisag sa kapahamakan at kamatayan, ang siyang sumasaigsag ngayon sa tagumpay ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa tao, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ipinamalas ng Diyos sa lahat ang tagumpay ng Kanyang kaluwalhatian. 

Kaligtasan ang dulot ng Diyos sa lahat. Hindi Siya nagdudulot ng kapahamakan o kapighatian. Ang Diyos ay nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan. Ito ang ipinamalas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Hindi nais ng Diyos na mapahamak ang sangkatauhan dahil sa kasalanan. Niloob ng Diyos na sila'y iligtas at palayain mula sa kaalipinan dulot ng kasalanan. At iniligtas nga ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus. 

Tampok sa mga Pagbasa ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan. Ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan ay kahanga-hanga. Hindi mahihigitan ng sinumang taong namumuhay sa daigdig na ito ang gawang ito ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa sangkatauhan, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pagiging kahanga-hanga. Tunay ngang kahanga-hanga ang ginawang pagliligtas ng Diyos sa abang sangkatauhang lubos Niyang sinisinta. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang ang sinumang matuklaw ng makamandag na ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay mabubuhay. Hindi ang ahas na tanso ang nagligtas sa tao kundi ang Diyos. Ang ahas na tanso na ginawa ni Moises ang instrumento ng Diyos. Ang Dios ang nagligtas sa Kanyang bayan. Ginamit ng Diyos ang ahas na tanso na ginawa ni Moises upang maging Kanyang instrumento sa pagligtas Niya sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng ahas na tanso na ginawa ni Moises, iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa kapahamakan at kamatayan. 

Binigyang-diin sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo kung paanong ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kababaang-loob at pagtalima ng Panginoong Hesus sa Kanyang kalooban hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ipinakita ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob ang dakilang pag-ibig ng Diyos na hinding-hindi magwawakas kailanman. 

Huwag na huwag nating kalilimutan ang Diyos. Hindi Siya dapat limutin. Dapat lagi natin Siyang alalahanin dahil marami Siyang ginawa para sa atin. Ang Diyos ay gumawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay para sa atin. Isa na rito ang pagtubos Niya sa ating lahat mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Krus ng Panginoong Hesus, tayong lahat ay tinubos at pinalaya mula sa kasamaang umalipin at bumihag sa atin. Sa pamamagitan rin ng krus ni Hesus, ipinamalas sa atin ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan. 

Kaya naman, kapag nakakakita tayo ng krusipiho sa altar ng Simbahan o nag-aatanda ng krus, alalahanin natin ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Lagi nating tatandaan kung paano tayong iniligtas ng Diyos. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ng Panginoong Hesukristo hanggang sa Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tinubos ng Poong Maykapal mula sa kasamaan at binigyan ng kalayaan upang mamuhay bilang Kanyang mga anak na sinisinta. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento