Lunes, Setyembre 11, 2017

SA PAGDADALAMHATI, NAKITA ANG KATATAGAN NG LOOB NI INANG MARIA

15 Setyembre 2017 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 



Ginugunita sa araw na ito ang pagdadalamhati ng ating Mahal na Inang Birhen na si Maria. May mga pagkakataon sa buhay ng Mahal na Birheng Maria na kung saan nakaranas siya ng matinding hapis. Meron ngang Pitong Hapis ang Mahal na Birheng Maria. Subalit, ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Inang si Maria ay ang mga huling sandali ng buhay ng Panginoong Hesukristo. Labis ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria noong siya'y nakatayo sa tabi ng krus ng Panginoong Hesus, ang Anak na minamahal niya nang buong puso. 

Dalawa ang Ebanghelyo na maaaring pagpilian. Ang isa ay tungkol sa Mahal na Birheng Maria sa tabi ng krus ng Panginoong Hesus (Juan 19, 25-27) at ang isa nama'y tungkol sa propesiya ni Simeon tungkol sa mangyayari sa Batang Hesus pagdating ng takdang panahon (Lucas 2, 33-35). Malaki ang ugnayan ng dalawang sandaling ito sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Nasaksihan nang personal ng Mahal na Birheng Maria sa Kalbaryo ang katuparan ng propesiya ni Simeon. Habang sinaksihan ni Maria ang katuparan ng hula ni Simeon - ang Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus, naramdaman niya ang pagtarak ng isang matalas na balaraw sa kanyang pusong kalinis-linisan. 

Ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus ay nagdulot ng matinding sugat sa puso ng Mahal na Ina. Labis ang kanyang pagdadalamhati nang masaksihan niya nang personal ang pagdurusa't kamatayan ng kanyang Anak. Ito ang pangyayaring hinulaan ni Simeon na magdudulot ng matinding kapighatian sa Mahal na Ina. Noong nasaksihan ni Mahal na Birheng Maria ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus sa Kalbaryo, naramdaman niya ang talim ng isang balaraw na tumatarak sa kanyang puso. Napakasakit para sa Mahal na Birhen na saksihan nang personal ang kamatayan ng kanyang Anak sa krus. 

Subalit, hindi pinapakita ng pagdadalamhati ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang kahinaan ng loob. Kabaligtaran nito ang ipinapakita ni Maria. Sa pagdadalamhati, si Maria'y nagpakita ng katatagan ng loob. Kahit labis ang kanyang pagtangis dahil sa pagdurusa't kamatayan ng kanyang Anak, hindi natinag ang Mahal na Birhen. Bagkus, nanatiling matatag ang puso't kalooban ng Mahal na Birhen sa harap ng pinakamatinding pagsubok sa buhay. Ipinakita ito ni Maria noong sinamahan at dinamayan niya si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kahit labis na nagdadalamhati, ang Mahal na Birheng Maria ay dumamay at nakiisa kay Kristo sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Nananatili si Maria sa tabi ni Hesus na sumunod at tumupad sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay, tulad ng nasasaad sa Unang Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo (5, 7-9).

Ipinapakita ng Mahal na Ina ng Hapis na hindi tanda ng kahinaan ng loob ang pagdadalamhati. Ang pagdadalamhati ay hindi nagdudulot ng kahinaan. Bagkus, ito ang magpapatatag sa ating kalooban. Ito ang mag-uudyok sa atin na manalig, sumunod, at tumalima sa Diyos sa harap ng pinakamatinding pagsubok sa buhay, kahit na napakahirap manalig at sundin ito. Mapapanatag ang ating kalooban dahil matitiyak natin na kasama natin ang Diyos sa mga matitinding pagsubok sa buhay, at tutulungan Niya tayong lampasan at pagtagumpayan ang mga ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento