Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35
Ang pagpapatawad ay hindi madaling gawin. Kapag tayo at ang may atraso sa atin ay nagkrus ng landas, maiinis tayo. Iinit lamang ang ating mga ulo kapag nakatagpo natin ang ating mga kagalit. Maaalala lamang natin ang kasalanang ginawa nila laban sa atin, ang sanhi ng ating galit at poot sa kanila. At tiyak, kung talagang gugustuhin natin, malamang sasaktan natin ang nagkasala sa atin. Napakahirap talagang patawarin ang mga may kasalanan laban sa atin.
Pagpapatawad ang paksang nais isalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Ito ay isang mahalagang birtud para sa bawat Kristiyano. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, nagpapakita tayo ng awa't pag-ibig sa ating kapwa na nagkamali laban sa atin. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, ipinapalaganap ang Awa't Pag-Ibig ng Diyos sa lahat. Ibinabahagi natin sa kapwa natin, lalung-lalo na sa mga nagkasala laban sa atin, ang Awa't Pag-Ibig ng Diyos na ipinakita't ipinadama Niya sa atin sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Kanyang Bugtong na Anak - ang ating Panginoong Hesukristo.
Inihayag sa Unang Pagbasa na dapat magpatawaran at makipagkasundo ang bawat isa. Kung paano tayo pinatawad ng Diyos, gayon din naman, dapat rin nating patawarin ang mga nagkasala sa atin. Kung papatawarin natin ang ating kapwang nagkasala laban sa atin, papatawarin tayo ng Diyos. Kung hindi natin patatawarin ang ating kapwang nagkasala sa atin, hindi tayo patatawarin ng Diyos. Kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ang pagpapatawad at pagkakasundo. Sa pamamagitan ng pagpapatawad at pakikipagkasundo sa ating kapwa, pinapairal natin sa lahat ng dako ang habag at kagandahang-loob ng Diyos.
Pinili ni Kristo na magpakasakit, mamatay, at mabuhay na mag-uli para sa kaligtasan nating lahat. Ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang gawin ito ay isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng lahat, mga patay at mga buhay. Kaya, ang bawat nabubuhay ay nabubuhay para sa Panginoon. At ang bawat namamatay ay namamatay para sa Panginoon. Kaya naman, dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang Awa't Pag-Ibig na ibinahagi sa atin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Pagkabuhay dahil tayong lahat ay namumuhay para sa Kanya. Dahil tayo'y namumuhay para sa Panginoon, dapat nating tuparin at sundin ang Kanyang kalooban.
Muling nagturo ang Panginoong Hesus tungkol sa pagpapatawad sa Ebanghelyo. Itinuro ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa aliping hindi marunong magpatawad na ang pagpapatawad ay hindi lamang dapat gawin nang pitong ulit kundi pitumpung ulit pa nito. 70 x 7. Kung ikakalkula natin iyon, ito'y katumbas ng apatnaraa't siyamnapu (490). Tiyak na hindi natin kayang bilangin nang tig-isang ulit nito. Subalit, hindi isang aralin mula sa aghambilang (matematika) ang nais ituro ni Hesus. Ang nais ituro ni Hesus, magpatawad katulad ng ginagawang pagpapatawad ng Diyos. Hindi binibilang ng Diyos kung ilang ulit tayong lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. Kapag humihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, ibinibigay Niya ito sa atin. Kung paanong paulit-ulit tayong pinapatawad ng Diyos, dapat paulit-ulit rin tayong magpatawad ng ating kapwa na nagkamali sa atin. Huwag tayong magsawang magpatawad ng kapwang nagkasala laban sa atin dahil ang Diyos ay hindi nagsasawang patawarin tayo.
Tayong lahat ay inuutusan ng Panginoon na magpatawad ng kapwa tulad ng ginawa Niyang pagpapatawad sa ating lahat. Kung paano tayong pinatawad ng Diyos, dapat rin nating patawarin sa ganoong paraan ang ating kapwang nagkasala laban sa atin. Magpapakita tayo ng pag-ibig sa kapwa tulad ng Panginoon na nagpakita't nagpadama ng Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Hindi nga madaling gawin ito, subalit kung nais nating pumanig sa Panginoon at maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin, tatalima at susundin natin ang Kanyang mga atas at habilin na ibigin Siya nang higit sa lahat at ibigin ang kapwa kung paano nating iniibig ang sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento