Sabado, Setyembre 9, 2017

PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG SA KAPWA

10 Setyembre 2017 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 




Kung pagninilayan natin nang mabuti ang mga utos ng Panginoong Diyos sa Banal na Bibliya, mapapansin natin na isinasalungguhit ng mga ito ang kahalagahan ng pag-ibig. Lalung-lalo na sa Sampung Utos ng Diyos na mapapakinggan sa Lumang Tipan. Kung babalangkasin natin nang mabuti ang Sampung Utos ng Diyos, mapapansin natin na ang unang bahagi ay tungkol sa pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at ang ikalawang bahagi naman ay tungkol sa pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang pangunahing tema ng Sampung Utos ng Diyos ay pag-ibig; pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa-tao. Pag-ibig ang batayan ng mga utos ng Dios. 

Ang buod ng mga utos ng Diyos ay inihayag sa Bagong Tipan. Nagbigay ng isang bagong utos sa mga alagad ang Panginoong Hesus noong gabing bisperas ng Kanyang Misteryo-Paskwal. "Mag-ibigan kayo." (Juan 13, 35) Wala itong pinagkaiba sa mga utos ng Diyos na inihayag sa Matandang Tipan. Sa katunayan, ang utos na ito ni Hesus ang buod ng kautusan ng Diyos na inihayag sa Lumang Tipan. Pinaikli ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ang Kanyang utos na inihayag sa Lumang Tipan sa dalawang simpleng salita - mag-ibigan kayo. 

Mukhang madaling gawin ang iniuutos sa atin ng Panginoon. Subalit, mahirap magpakita ng pag-ibig sa kapwa, lalung-lalo na kapag kagalit natin ang ating kapwa. Kahit sinumang taong namumuhay dito sa daigdig ang tatanungin, sasabihin nila na hindi madaling magpakita ng pag-ibig sa kagalit. Kapag galit ka sa isang tao, mahirap magpakita o magpadama ng pag-ibig sa kanya. Hindi nagpapansinan o nag-uusap man lang ang mga magkagalit. 

Inilalarawan ng mga Pagbasa ngayon na magkarugtong ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa kapwa-tao. Hindi maaaring paghiwalayin ang pag-ibig sa Panginoon at ang pag-ibig sa kapwa. Magkaugnay ang pag-ibig para sa Panginoon at ang pag-ibig para sa kapwa-tao. Kung tunay nating iniibig ang Panginoong Diyos, dapat nating ibigin ang ating kapwa-tao. Pananagutan natin sa Maykapal ang ating kapwa. 

Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel, inihayag ng Panginoong Diyos na ang bawat tao'y may pananagutan sa kanyang kapwa. Ang mga masasama'y dapat paalalahanan at bigyan ng babala tungkol sa magiging kahihinatnan nila kapag sila'y nagpatuloy sa kanilang makasalanang pamumuhay. Ang gawaing ito'y isang pagpapahayag ng pag-ibig sa kapwa. Sa pamamagitan ng paghikayat sa kapwa natin na dapat pagsisihan at talikdan ang kasalanan, ipinapakita't ipinapadama natin sa kanila ang ating pag-ibig tulad ng iniuutos ng Diyos sa ating lahat. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan. Kapag umibig ang bawat isa, natutupad ang mga utos ng Diyos. Tinutupad ng sinuman ang mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at kapwa sa pamamagitan ng salita't gawa. Hindi sapat na ibigin lamang ang Diyos. Dapat ibigin rin ang kapwa kung paano nating iniibig ang Diyos. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na dapat natin gawin ang lahat upang ibalik ang ating kapwa sa landas patungo sa Diyos. Kausapin natin. Kapag hindi siya nakinig, ihayag ito sa iba pa nating kapwa, pati na rin sa Simbahan, upang maisamantala niya ang pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Diyos. At kapag hindi pa rin siya nakinig sa iba, lalung-lalo na sa Inang Simbahan, dapat natin siyang ituring na Hentil o publikano. Papaano nating tatratuhin ang mga Hentil o publikano? Habilin ni Hesus, ibigin pa rin natin. Ipakita't ipadama pa rin natin ang ating pagmamahal sa kanila, kahit ayaw nilang makinig sa atin o sa Inang Simbahan. 

May utos sa atin ang Diyos. Umibig. Ibigin ang kapwa kung paano nating ibigin ang Diyos at ang ating mga sarili. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, mamahalin rin natin ang ating kapwa, gaano mang kahirap ito. Kinalulugdan ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa kapwa. Ang pag-ibig ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Makakamit natin ang paglingap ng Panginoong Diyos sa ating lahat kung tunay nating mamahalin ang ating kapwa, kahit napakahirap itong gawin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento