15 Oktubre 2017
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10)
Ang larawan ng isang piging ay ginagamit sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na magdadaos ng isang piging ang Panginoong Diyos at aanyayahan Niya ang lahat ng mga bansa sa piging na ito. Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga ukol sa kasalan ang angkop na tugon sa paanyaya ng Diyos.
Sa talinghaga tungkol sa kasalan, inilarawan ng Panginoong Hesus ang apat na uri ng maling pagtugon sa paanyaya ng Diyos. Una, ang mga ayaw dumalo. Pangalawa, ang mga nandedma, hindi pinansin ang paanyaya. Pangatlo, ang mga sumunggab, humamak, at pumatay sa mga alipin. At pang-apat, ang tumanggap ng paanyaya subalit hindi naghanda ng maigi at maayos.
Sa unang tingin, parang sinasabi ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng talinghagang ito na ang Diyos ay isang marahas na diktador na hindi nagpapahalaga sa kalayaan ng tao. Subalit, hindi diktador ang Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng kalayaan ng Diyos upang makapagpasiya para sa ating mga sarili. Tayo ang magpapasiya para sa ating mga sarili. Inilalarawan lamang ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kahihitnatnan natin kung hindi tayo magpapasiya nang tama, kung hindi natin tatanggapin ang tawag at paanyaya ng Diyos.
Oo, masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil sa hindi natin pagtanggap sa Kanya. Masakit para sa Diyos na makita tayong magdusa dahil hindi natin tinanggap ang Kanyang paanyaya, ang Kanyang kalooban. Subalit, wala na Siyang magagawa kung hindi natin tatanggapin ang Kanyang paanyaya. Hindi Niya tayo pipilitin na gawin ang Kanyang kalooban. Binibigyan Niya tayo ng kalayaan upang magpasiya para sa ating mga sarili. At hinding-hindi Niya ilalabag ang ating karapatan at kalayaan na magpasiya para sa ating mga sarili.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos tungkol sa kapangyarihan at kalayaang ito. Inihayag ni Apostol San Pablo na magagawa niya ang lahat ng bagay dahil sa lakas na kaloob ni Kristo (4, 13). Binibigyan tayo ng lakas ni Kristo upang magpasiya para sa ating sarili. Tayong lahat ay binibigyan ng lakas at kalayaan upang magpasiya kung tatalima ba tayo sa kalooban ng Diyos o hindi. Binibigyan rin tayo ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, tulad ng mga personal na karanasang isinalaysay ni Apostol San Pablo.
Tayong lahat ay tinatawag at inaanyayahan ng Diyos na makasalo Siya sa Kanyang piging. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Panginoon na maranasan at makibahagi sa Kanyang Awa't Pag-Ibig. Tayong lahat ay inaanyayahang maging masunurin sa kalooban ng Diyos. Paano tayo tutugon sa paanyaya ng Diyos? Paano tayo tutugon sa Kanyang tawag? Tayo ang magpapasiya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento