25 Nobyembre 2018
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (B)
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37
Kapag ang Kalendaryo ng Simbahan ay nasa Taon B, tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan ang tema ng walang hanggan. Tanging si Kristo lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Ito ang inilarawan ng Arkanghel na si San Gabriel noong ibinalita niya sa Mahal na Birheng Maria ang Magandang Balita tungkol sa kapanganakan ni Kristo (1, 33). Walang hanggan ang pagkahari ni Kristo Hesus. At walang makahihigit o makakatapat kay Hesukristo bilang Hari.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Daniel ang kanyang pangitain tungkol sa paghahari ng isang nabubuhay magpakailanman. Ang walang hanggang hari na tinutukoy ni Daniel sa kanyang pangitain ay walang iba kundi ang Panginoon. Siya lamang ang tunay na hari. Siya lamang ang maghahari magpakailanman. Ang Kanyang paghahari ay hinding-hindi magwawakas. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Kaniyang pahayag na inilahad ni San Juan sa Ikalawang Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag. Si Kristong Panginoon at Diyos ay nagpakilala bilang Alpha at Omega, ang Simula at Wakas. Siya ang simula't hantungan. Sa Kanya magsisimula't magwawakas ang lahat ng bagay. Ang Diyos lamang ang walang katapusan.
Ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay isang bahagi ng napakahabang salaysay ni San Juan tungkol sa Pasyong Mahal ng Panginoong Hesus. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang unang interogasyon ni Poncio Pilato kay Hesus. Ayon sa salaysay ni San Juan, dalawang ulit na nagtanong si Pilato kay Hesus sa loob ng kaniyang palasyo upang malaman kung ano nga ba ang maaaring maging basehan upang hatulan si Hesus ng kamatayan sa krus, tulad ng hinihingi ng mga Pariseo't matatanda ng bayan sa kaniya. Subalit, hindi nakahanap ng sapat at malakas na ebidensya si Pilato para mapatunayan ang mga paratang laban kay Hesus.
Sa isang bahagi ng interogasyon ni Pilato, inilarawan ng Panginoong Hesus kung anong uri Siyang hari. Siya ang Hari ng mga Hari. Walang hanggan ang Kaniyang paghahari. Ang Kanyang kaharian ay hindi matatagpuan dito sa lupa kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala. Ang lahat ng bagay dito sa lupa ay nasasakupan ng oras. Limitado ang oras dito sa lupa. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa mundo. Subalit, ang pagkahari ni Hesus ay walang hanggan. Ang pagkahari ni Hesus ay hindi nasasakupan ng panahon. Talaga namang ibang-iba si Hesus kung ikukumpara Siya sa ibang mga hari't pinuno sa daigdig.
Nakatala sa kasaysayan ng daigdig ang pangalan ng mga taong namuno sa iba't ibang mga bansa. Mayroon sa kanila na namuno nang may katinuan. Subalit, mayroon rin ibang mga pinunong abusado. Ang kanilang posisyon, ang kanilang pananagutan sa bayan, ay inabuso nila. Inabuso nila ang kanilang responsibilidad sa iba't ibang pamamaraan tulad na lamang ang pagnanakaw mula sa kaban ng bayan at pagpatay sa mga inosente. Ang taong-bayan ay ginagawa nilang alipin, hindi na iginagalang ang kanilang mga karapatan, lalung-lalo na ang kanilang karapatang mamuhay bilang tao. Uhaw sa dugo, kapangyarihan, kayamanan. Sarili lamang ang kanilang pinaglilingkuran.
Tinitingnan ng mga pinunong ito ang kanilang tungkulin bilang pribilehiyo at hindi responsibilidad. Nang makamit ang kanilang ambisyon, sinimulan na ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Ang kapangyarihan nilang taglay bilang mga pinuno ay kanilang ginamit upang matupad ang kanilang mga kagustuhan, kahit na hindi ito nakakabuti para sa bayan. Inaakala nila na walang makakapigil sa kanila dahil hawak nila ang kanilang kapangyarihan habambuhay. Kitang-kita sa kanilang pag-aasta na iniisip nilang mananatili silang pinuno magpakailanman. Akala nilang walang makakaalis o makakapagpatalsik sa kanila.
Ipinapaalala ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari na tanging Siya lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Siya lamang ang haring walang hanggan. Siya ang Hari ng mga Hari. Anuman ang lahi ng bawat tao sa daigdig, anuman ang panahong napapalooban ng bawat tao, iisa lamang ang mananatili - ang pagkahari ni Kristo. Mula noon hanggang ngayon at sa panahong darating, si Kristo pa rin ang tunay na Hari. Habang lumilipas ang panahon, si Kristo'y nananatiling hari. Walang makakatapat o makakadaig sa Kanya bilang hari.
Si Hesus ay mananatiling Hari magpakailanman. Sa daigdig na ito, maraming pagbabago ang nagaganap sa paglipas ng panahon. Walang permanenteng bagay dito sa mundo. Nagbabago ang panahon, nagbabago ang itsura ng tao, nagbabago ang lahat-lahat. Subalit, iisa lamang ang hindi nagbabago - ang walang hanggang pagkahari ni Kristong Hari. Siya lamang ang maghahari magpakailanman.
MABUHAY SI KRISTONG HARI!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento