2 Disyembre 2018
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36
Laging nagsisimula sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala bilang panahon ng Adbiyento ang bawat Taong Liturhiko ng Simbahan. Ito'y bagamat ang kapanahunang ito'y nagaganap bago ang katapusan ng bawat taon sa sekular na kalendaryo. Sa panahong ito, ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataon ng Simbahan upang ihanda ang sarili para sa pagdating ng Panginoon. Habang ang pagdating ng Panginoon ay pinanabikan sa panahong ito ng Adbiyento, napakahalaga para sa bawat isa na maghanda. Kaya naman, ang panahong ito ay inilalaan sa paghihintay at paghahanda ng sarili.
Subalit, ang pagdating ng Panginoon ay inihayag bilang isang pangako. Ang mga pahayag tungkol sa pagdating ng Panginoon ay hindi nagsisilbing mga panakot. Bagkus, ang mga pahayag na ito ang paraang ginagamit ng Panginoon upang magbitiw ng pangako sa lahat. Hindi dapat katakutan ang pagdating ng Panginoon. Wala naman Siyang gagawin na magdudulot ng lagim at takot sa bawat isa. Bagkus, ang pagdating ng Panginoon ay dapat paghandaan at panabikan.
Ito ang pinagtuunan ng pansin sa pambungad ng pahayag ni propetang si Jeremias sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos na tutuparin Niya ang Kaniyang pangako sa bayang Israel. Ang matuwid na sanga ni David ay Kaniyang pasisibulin. Magmumula sa angkan ni David ang isang matuwid na hari na magpapairal ng katarungan at katwiran (33, 15). At natupad nga ang pangakong ito na nasasaad sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus.
Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay nagsalita tungkol sa Kanyang muling pagdating. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na laging magtanod sapagkat ang muli Niyang pagdating ay maaaring mangyari sa oras na hindi inaasahan. Ang mga apostol ay binabalaan laban sa maling paniniwala na matagal pa ang panahong darating muli si Kristo. Binabalaan ang mga apostol laban sa pagiging tamad at sobrang kampante sa sarili sapagkat maaari silang matagpuang hindi handa sa araw ng muling pagdating ni Kristo Hesus. Kaya naman, ang mga apostol ay ipinaalala ni Hesus na laging magtanod at maging handa sapagkat maganap ang muli Niyang pagdating sa araw o oras na 'di inaasahan.
Ang muling pagdating ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon ay pinagtuunan rin ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang mensahe sa lahat ng mga Kristiyano sa Tesalonica sa Ikalawang Pagbasa. Itinapat niya sa kaniyang liham sa kanila na lagi niya silang ipinapanalangin. Ang kanilang buhay-espirituwal ay lagi niyang idinadalangin sa Diyos. Hangad ni Apostol San Pablo na manatiling matatag ang pananampalataya ng lahat ng mga Kristiyano, lalo na sa Tesalonica, hanggang sa muling pagdating ni Hesukristo. Hangad niya na maligtas at maisama ni Hesus sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit sa katapusan ng panahon ang lahat ng mga Kristiyano.
Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangakong muli Siyang darating, tulad ng ginawa Niyang pagtupad sa Kanyang pangakong inihayag sa Matandang Tipan. At sa Kanyang pagdating, hindi Siya maghahasik ng lagim at takot sa lahat. Bagkus, pag-asa at kaligtasan ang Kaniyang idudulot sa lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Kaya naman, dinggin natin ang panawagan ng Simbahan ngayong panahon ng Adbiyento sa bawat araw habang tayo'y nabubuhay pa dito sa daigdig - ihanda ang sarili para sa pangakong pagdating ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento