Lunes, Nobyembre 12, 2018

TITIPUNIN ANG MGA NASA PANIG NIYA

18 Nobyembre 2018 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14. 18/Marcos 13, 24-32 


"Walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon... ang Ama lamang ang nakakaalam nito." (13, 32) Ito ang mga salita ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga apostol sa pagtatapos ng salaysay sa Ebanghelyo. Inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga katagang ito kung ano ang magaganap sa katapusan ng panahon. Muli Siyang magbabalik sa wakas ng panahon. Subalit, ang araw o oras kung kailan magaganap ang mga inilarawan ni Hesus sa mga apostol ay isang napakalaking hiwaga na walang sinuman dito sa lupa ang makakaalam. 

Si Hesus, na ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Dakilang Saserdote na minsang naghandog ng Kanyang sarili para sa ating lahat, ay muling babalik sa wakas ng panahon. Nakasaad sa Kredo kung ano ang Kanyang gagawin sa muli Niyang pagbalik sa wakas. Huhukuman Niya ang lahat ng tao. Ang mga matutuwid ay Kaniyang ililigtas. Ang mga matutuwid na Kaniyang nilinis sa pamamagitan ng Dugo Niyang kabanal-banalan ay Kaniyang titipunin at tatanggapin sa Kanyang kaharian sa langit. Sila ang tumanggap kay Kristo na naglinis sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Dugo. Inihayag nila ang kanilang pagtanggap sa paglinis at pagtubos ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang pagsasabuhay at pagtalima sa loobin Niya nang buong katapatan hanggang wakas. 

Isang propesiya tungkol sa mga kaganapan sa katapusan ng panahon ay inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel. Bagamat hindi pa naganap noong kapanahunang yaon ang ipinangakong pagdating ni Kristo, naihayag ng Diyos kay propeta Daniel kung ano ang mga mangyayari sa katapusan ng panahon. Ililigtas ang lahat ng mga nasa panig ng Diyos. Ang mga kababayag tinutukoy sa propesiya, mga pangalang isinulat sa aklat ng Diyos, ay ang mga nanatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa kabila ng mga tukso't mga pagsubok sa buhay, mas pinili nilang manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang wakas. 

Ang araw ng muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon ay isang napakalaking lihim. Walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung kailan magaganap iyon. Bagamat batid nating muling darating si Kristo, hindi natin alam kung kailan iyon. Tanging ang Ama lamang ang nakakaalam. Kaya naman, ang aral na nais ituro ng Panginoong Hesus - laging magtanod at maging handa sapagkat hindi masasabi o matitiyak ninuman kung kailan magaganap iyon. 

Muling darating si Hesukristo sa wakas ng panahon upang tipunin at papasukin ang lahat ng mga nanatiling tapat sa Kanya hanggang wakas sa Kanyang kaharian. Iyon ang kanilang gantimpala mula sa Panginoon para sa kanilang tapat na paglilingkod at pagtalima sa Kanya. Sa kabila ng hirap ng pagiging matapat na kapanig ng Panginoon, pinili pa rin nilang manatiling tapat sa Kanya. Ilan ulit man silang tuksuhin na talikuran at iwanan ang Panginoon, hindi nila iyon ginawa. Kaya nama`y silang lahat ay Kanyang tatanggapin sa Kaniyang kaharian. 

Kung nais nating mapabilang sa mga matatapat na kapanig ng Panginoong Hesus na Kanyang titipunin at tatanggapin sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng panahon, kumilos tayo ngayon pa lamang. Gawin nating pamantayan kung paano tayo mamumuhay ang Kaniyang kalooban. Mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Iwasan nati't talikdan ang kasalanan. Sa pamamagitan nito, ang ating katapatan at pagmamahal sa Diyos ay naipapahayag natin. Matatamasa ng bawat nananalig at tumatalima sa Panginoon nang buong katapatan hanggang wakas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento