8 Disyembre 2018
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
Sa retablo ng altar mayor ng Katedral ng Maynila, mababasa ang mga salitang ito sa wikang Latin, "Tota pulchra es Maria, et macula originalis non est in te." (Ika'y puspos ng tunay na kagandahan, Maria, at ang dungis ng kasalanang mana ay hindi matatagpuan sa iyo) Hango mula sa pambungad ng isa sa mga antipona para sa araw na ito ang mga salitang ito. Pinagtutuunan ng pansin sa mga katagang ito ang kalinisan, kabanalan, pagkadalisay, pagkabusilak ng Mahal na Birheng Maria. Ipinaglihing walang bahid ng kasalanang mana ang Mahal na Inang si Maria. Ang bahid ng kasalanang mana ay hindi mahahanap sa kanya sapagkat naranasan niya ang pagliligtas ng Diyos bago pa man iluwal ng kanyang inang si Santa Ana mula sa kanyang sinapupunan. Siya lamang ang bukod tanging nilalang sa kasaysayan ng daigdig na binigyan ng ganitong karangalan mula sa Diyos.
Ito ang dahilan kung bakit ang karangalang nakalaan sa Mahal na Birheng Maria ay higit pa sa karangalang nakalaan sa lahat ng mga santo't santa sa hanay ng mga banal sa Simbahan. Ang lahat ng mga santo't santa sa hanay ng mga banal ay pinahahalagahan, itinatampok, at pinaparangalan ng Simbahan dahil sa kanilang halimbawa. Ano ang kanilang halimbawa? Namuhay silang may kabanalan. Buong katapatan nilang tinalima at sinunod ang kalooban ng Diyos hanggang sa kanilang pagpanaw sa daigdig. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos nang buo nilang buhay, tinahak nila ang landas ng kabanalan. Subalit, ang Mahal na Birheng Maria ay namumukod-tangi sa lahat ng mga banal na tao na namuhay at naglakbay sa daigdig sapagkat niloob ng Diyos na tubusin siya bago pa man siya isilang.
Kaya gayon na lamang ang pagbati ng Arkanghel na si San Gabriel noong dinalaw niya ang Mahal na Birheng Maria upang ihatid sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Wika ng anghel sa Mahal na Birhen, "Aba, napupuno ka ng grasya! Ang Panginoon ay sumasaiyo." (1, 28) Ito rin ang isinasalungguhit ng dogma tungkol sa Inmaculada Concepcion o Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Bago pa man isilang sa daigdig, ang Mahal na Birheng Maria ay pinuno ng Diyos ng Kaniyang grasya. Dahil sa grasyang ito, wala siyang bahid ng kasalanang mana. Ipinasiya ng Diyos na tubusin si Maria bago pa man ipanganak sa sanlibutan dahil siya ang Kaniyang pinili't hinirang upang maging Kanyang tahanan at tagapagdala sa loob ng siyam na buwan sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Sa pamamagitan ng pasiya ng Diyos, tinupad Niya ang pangakong Siya mismo ang naghayag sa huling bahagi ng Unang Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos na ang babae at ang ahas ay laging magkakasagupa at ang ulo ng binhi ng ahas ay dudurugin ng binhi ng babae (3, 15). Si Maria ang babaeng tinutukoy ng Diyos sa pahayag na ito. Magmumula sa kanya ang dudurog sa ulo ng ahas. Ang Panginoong Hesus na kanyang dinala sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan at iniluwal pagkatapos nito ang tatalo sa demonyo. Kasama ni Hesus, dinurog rin ni Maria ang ulo ni Satanas sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob hanggang wakas.
Ang pasiya ng Diyos na tubusin ang Mahal na Ina bago ang kanyang kapanganakan sa daigdig ang naghayag ng Kanyang kagandahang-loob na tinalakay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Hinirang at itinalaga ng Diyos si Maria upang maging Kanyang tahanan at tagapagdala sa loob ng siyam na buwan. Inihanda ng Diyos ang magiging tahanan Niya sa loob ng siyam na buwan bago Siya isilang sa daigdig sa pamamagitan ng Kanyang pagtubos sa Mahal na Inang si Maria bago pa man ipanganak. Sa pamamagitan nito'y ang Mahal na Birheng Maria ay pinagindapat ng Diyos na maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Diyos na bukal ng lahat ng kabanalan ay pumanaog sa lupa upang tubusin ang sangkatauhan.
Bukod-tangi ang kagandahan at kalinisang taglay ng Mahal na Birheng Maria. Ang pinagmumulan ng angkin niyang kagandahan at kalinisang namumukod-tangi ay ang Diyos na tumubos sa kanya bago siya isilang sa daigdig. Ipinasiya ng Diyos na gawin ito upang si Maria ay maging marapat na dalhin at iluwal Siya mula sa kanyang sinapupunan pagkatapos ng siyam na buwan. At sa pamamagitan ni Maria, dumating ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento