Sabado, Disyembre 29, 2018

DUMATING ANG LIWANAG

29 Disyembre 2018 
Ikalimang Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Ipinapakilala ang Panginoong Hesukristo sa mga Pagbasa bilang kaliwanagan. Si Kristo ang tunay na liwanag. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kaliwanagan. Siya ay naghatid ng kaliwanagan sa bawat isa noong Siya'y dumating bilang Mesiyas. Sa pamamagitan ng liwanag ni Kristo Hesus, ang kadiliman ay napawi. Iyan ang katotohanang nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. 

Sa Unang Pagbasa, muling itinuro ni Apostol San Juan kung paanong maging mga tunay na kapanig ni Kristo. Sabi nga niya sa gitna ng Pagbasa na hindi bago ang kanyang itnuturo (2, 7). Paulit-ulit siya sa kanyang itinuturo. Binigyang-diin ni Apostol San Juan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon. Kung ninanais ng bawat isa na pumanig sa Panginoon, kinakailangan nilang sundin ang Kanyang mga utos. Ito ang makapagpapatunay na pumapanig tayo sa Kanya. Ang mga pumapanig sa Kanya ay namumuhay sa Kanyang kaliwanagan. Ang mga nasa panig ng Panginoon ay nasa panig ng kaliwanagan. Ang Panginoon mismo ang liwanag na pinapanigan ng lahat ng mga sumusunod sa Kanyang mga utos. 

May mga salitang ginamit si Simeon sa kanyang pahayag na itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para ipakilala ang Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ipinakilala ni Simeon bilang liwanag na tumatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-karangalan sa Israel (2, 37). Nagniningning sa buong kapaligiran ang liwanag ni Hesus. Ang liwanag ni Hesus ay makikita ng lahat mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang liwanag ni Hesus ang papawi sa dilim. Ang kadilimang laganap sa kapaligiran ay pinawi ng liwanag ni Hesus. Si Hesus ang maningning na liwanag na pumapawi sa dilim. Ang maningning na liwanag na si Hesus na pumapawi sa dilim ay nakikita ng lahat ng mga tao nasaan man sila. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng kapangyarihan ng kadiliman ang kapangyarihan ng Panginoong Hesukristo, ang kaliwanagang tumatanglaw at nagniningning sa lahat ng dako. 

Ang Panginoong Hesus ay dumating sa daigdig upang palaganapin ang Kanyang liwanag. Ang Kanyang liwanag ang pumapawi sa kadiliman. Tinatawag Niya ang bawat isa na mamuhay sa Kanyang kaliwanagan. Siya ay pumarito upang palayain ang lahat ng tao mula sa kadiliman. Ang lahat ng tao'y binibigyan ng pagkakataong mamuhay sa Kanyang maningning na liwanag na pumapawi sa dilim. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento