18 Disyembre 2018
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikatlong Araw
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24
Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong inako ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos. Iniatasan ng Diyos si San Jose upang tumayo bilang amain ng Banal na Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria na kanyang magiging kabiyak ng puso. Ito'y matapos ipaliwanag sa kanya ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanya sa isang panaginip ang lahat ng bagay. Matapos ipaliwanag ng anghel ang lahat ng bagay sa kanyang panaginip, tahimik na inako ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos nang buong kababaang-loob at kapanatagan. Sinunod niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya.
Tiyak na nagulumihanan si San Jose nang mabalitaan niya ang pagdadalantao ni Maria. Hindi pa nga nagaganap ang kanilang pag-iisang-dibdib, natagpuan na siyang nagdadalantao. Paano pa nga ba maipapaliwanag sa isang lohikal na pamamaraan ang pagbubuntis ng isang babae? Pakikipagtalik. Nakipagtalik ang isang babae sa isang lalaki. Iyan ang balitang kumakalat noon. Iyan ang tsismis na kumakalat sa bayan ng Nazaret noon. Si Maria ay nakipagtalik 'di umano sa ibang lalaki kahit na ikakasal na siya kay Jose. At kapag sinabi ni Maria na hindi siya nakipagrelasyon at nakipagtalik sa ibang lalaki sa labas ng kasal, lalabas siyang ilusyonada, loko-loko, sinungaling. Walang maniniwala sa kanya. Kalokohan iyan para sa kanila. Paano nga ba magdadalantao ang isang babae kung hindi siya makikipagtalik sa isang lalaki? Ba't buntis si Maria kung hindi siya nagkipagtalik sa ibang lalaki sa labas ng kasal? Hindi siya paniniwalaan ng mga tao noon.
Batid ng Diyos ang kalagayan ni San Jose. Batid ng Panginoon na si San Jose ay labis na nagugulumihanan sa mga sandaling yaon. Hindi na niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Kaya naman, isang anghel ang ipinadala ng Diyos kay San Jose upang ipaliwanag sa kanya ang lahat. Ang anghel na ipinadala ng Diyos ay nagpakita sa panaginip ni San Jose. Ipinaliwanag ng anghel kay San Jose na ang Sanggol sa sinapupunan ni Maria ay hindi niya anak sa ibang lalaki. Bagkus, ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Pumanatag ang loob ni San Jose matapos mapakinggan ang paliwanag ng anghel ng Panginoon.
Ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan ang tinutukoy sa mga pahayag ng Diyos na inilahad ng mga propeta sa Lumang Tipan. Katulad na lamang ng pahayag na inilahad ni propeta Isaias na binanggit ni San Mateo sa kanyang salaysay at ng pahayag na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Siya ay inilarawan bilang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin, sa pahayag na inilahad ni propeta Isaias na siya namang ginamit ni San Mateo bilang reperensiya sa Ebanghelyo. Siya naman ay inilarawan bilang isang sangang matuwid, isang matuwid na haring may karunungan, sa pahayag na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa (23, 5). Sa pamamagitan ng mga pahayag na ito, inihayag ng Diyos sa lahat na Siya'y darating bilang Mesiyas at Tagapagligtas. At natupad ang mga pahayag na ito sa pamamagitan ni Hesus, ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang sinapupunan.
Hindi nagdalawang-isip si San Jose na paniwalaan at sundin ang lahat ng mga sinabi sa kanya ng anghel sa panaginip. Batid niyang totoo ang lahat ng mga sinabi ng anghel sa kanya. Batid niyang nagmula sa Diyos ang paliwanag na iyan. Ang kaniyang mga katanungan ay sinagot na ng Diyos. Inilahad lamang ng anghel ang tugon ng Panginoon. Hindi man niya alam kung sino sa bayan ng Nazaret ang maaari niyang pagkatiwalaan, alam niyang may isa siyang mapagkakatiwalaan - ang Diyos. Hindi niya pinagdudahan ang Diyos. Sapagkat batid ni San Jose na hinding-hindi magsisinungaling ang Diyos kahit kailan. Walang pekeng balita, walang kasinungaling magmumula sa Diyos. Ang lahat ng mga manggagaling sa Diyos ay pawang katotohanan lamang.
Sa panahon ngayon, may mga balitang mahirap pagkatiwalaan. Lalung-lalo na sa mga balitang ipinakakalat ng ibang tao gamit ang modernong teknolohiya. Hindi na natin alam kung ano ang totoo at kung ano ang hindi. Madali kasing baluktutin ang katotohanan. Maraming mga tao ang bumabaluktot ng katotohanan, lalung-lalo na sa mundo ng pulitika. Magpapakalat ng pekeng balita, kasinungalingan, para lang pabunguhin ang kanilang mga pangalan. Iyan ay dahil lamang sa kanilang ambisyon, pagkasilaw sa kapangyarihan. Hindi paglilingkod sa bayan ang kanilang hangarin kundi ang pagtupad sa personal na ambisyon. Walang pakialam kung sino ang masagasaan, sino ang maaapektuhan, para lamang sa ambisyon. Handang pumatay ng tao, handang pumatay ng mga inosente, alang-alang sa ambisyon, kayabangan, at pagkauhaw sa kapangyarihan.
May isang tunay na mapagkakatiwalaan - ang Diyos. Hindi Siya magkakalat ng kasinungalingan. Walang pekeng balita na magmumula sa Kanya. Bagkus, anuman ang manggaling sa Kanya ay pawang katotohanan. Tunay na katotohanan ang Kanyang ipinapalaganap. Siya ang bukal ng katotohanan. Tanging sa Kanya lamang magmumula ang katotohanan. Kaya, ibigay natin sa Diyos ang buong pusong pagtitiwala natin sa Kanya, tulad nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento