Biyernes, Disyembre 14, 2018

PINILI ANG KAPAYAKAN

17 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalawang Araw 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17


Tampok sa Ebanghelyo na hango sa pambungad na kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ang mahaba-habang talaan ng angkang kinabibilangan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at maging tao katulad natin. Ipinasiya ng Diyos na yakapin at akuin ang ating pagkatao. Kung kaya't Siya'y pumarito sa daigdig bilang ating Tagapagligtas sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Subalit, ang Kanyang pagparito bilang tao ay hindi kakaiba. Sa Kanyang unang pagdating bilang Mesiyas mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan, hindi kakaiba ang Kanyang pagpasok sa daigdig. Hindi Siya pumarito sa daigdig bilang tao sa isang maringal o engrandeng pamamaraan. Bagkus, sa Kanyang pagtanggap at pag-ako sa ating pagkatao, niyakap Niya ang proseso ng pagpasok ng bawat tao sa daigdig na ito. Ang pamamaraan ng ating pagpasok o pagsilang sa daigdig ay ipinasiya Niyang tanggapin at pagdaan. Pinili ng Panginoon maging payak katulad ng bawat tao, maliban sa kasalanan. Ipinasiya Niyang pagdaanan ang paglilihi at pagluwal sa Kanya ng isang babae. Ang babaeng yaon ay walang iba kundi si Maria, ang Kalinis-linisang Birhen, ang Mahal na Ina. 

Ang pasiyang ito ng Panginoong Diyos ang ipinahihiwatig ng pahayag ni Jacob sa kanyang mga anak na inilahad sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Jacob sa kanyang mga anak sa Unang Pagbasa na magmumula sa angkan ni Juda ang tunay na Hari. Naangkop ang nilalaman ng Unang Pagbasa sa nilalaman ng Ebanghelyo. Malaki ang ugnayan ng nilalaman ng dalawang pagbasang ito sa isa't isa sapagkat iisa lamang ang pinagtutuunan ng pansin - ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesukristo. Si Hesus ang Diyos na nagpasiyang bumaba sa lupa at yakapin ang ating pagkatao upang tayo'y tubusin. Siya ang tunay at nag-iisang Haring walang hanggan na nagmamahal sa atin. Dahil sa Kaniyang walang hanggang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niyang makapiling tayo. 

Kahit maaari naman Siyang pumasok sa daigdig nang hindi nagpapabilang sa isang angkang binubuo ng mga taong maikli lamang ang buhay dito sa daigdig, pinili pa rin ng Panginoon na magpabilang sa isang angkan. Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ng Diyos na magpabilang sa isang angkan. Nasa Kanya naman ang lahat. Taglay Niya ang kapangyarihang hindi mapapantayan. Maari naman Niyang gawin ang anumang naisin Niya. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ng Panginoon na magmula sa isang angkan. Kahit na Siya'y sinamba ng Kanyang mga ninuno, buong kababaang-loob Siyang nagpabilang sa angkang kinabibilangan nila. 

Pinili ng Panginoong Hesus ang kapayakan. Sa pamamagitan ng pasiyang ito, ang hangarin ng Diyos na makapiling ang Kanyang bayan ay nahayag. Nais ng Diyos na maramdaman ng bawat tao na Siya'y tunay na karamay at kaisa nila. Hindi Niya binalak na pumarito sa daigdig taglay ang kaengrandehan. Ang kaengrandehan, ang kaluwalhatian, ay Kanyang tinalikuran upang tayo'y makapiling. Ang proseso ng pagiging tao na pinagdaanan natin, ang paglilihi at pagsilang sa atin, ay tinanggap, niyakap, at pinagdaanan Niya nang buong kababaang-loob. Napatunayang tunay ang pakikiramay at pakikiisa ng Diyos sa pamamagitan ng ginawa ni Hesus. 

Sa kabila ng Kanyang kadakilaan at kapangyarihang walang kapantay, buong kababaang-loob na ipinasiya ng Diyos na tanggapin at ang ating pagkatao. Ito ang buod ng kuwento ng unang Pasko. Dito nagsisimula ang kasaysayan ng pagtubos sa atin ng Diyos. Iyan ay tunay ngang kahanga-hanga. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento