Miyerkules, Disyembre 12, 2018

BALITANG NAGHAHATID NG KAGALAKAN

16 Disyembre 2018 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Unang Araw
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18 


Inaanyayahan ng Simbahan ang bawat mananampalataya ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento na magalak. Habang ang lahat ay naghahanda at naghihintay nang buong kataimtiman ngayong banal na panahong ito, hinihikayat ng Simbahan ang lahat na gawin ito nang may kagalakan. Nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Ang pinaghahandaan natin sa kapanahunang ito ng Adbiyento ay malapit nang maganap. Malapit nang maganap ang katuparan ng pangako ng Panginoon.

Kaya naman, ang Salmo ay angkop na angkop sa tema ng kagalakan. Ang Salmo para sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, Siklo K, ay isang paanyaya na magpuri sa Diyos nang buong saya (12, 6). Ito rin ang sentro ng paalala sa Ikalawang Pagbasa na hango mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos. Pinaalalahanan ang lahat ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo." (4, 4) Inilahad sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kadahilanan kung bakit dapat magalak. Ano nga ba talaga ang pangakong ito ng Diyos? 

Sa Unang Pagbasa, hinikayat ni propeta Sofonias ang lahat ng mga Israelita na magalak sapagkat kapiling na nila ang Panginoong Diyos. Ang Diyos na nagpatalsik sa mga kaaway ng mga Israelita ay mananahan sa kanilang piling. Makakapiling Niya ang Kaniyang bayan. At sa Ebanghelyo, inihayag ni San Juan Bautista sa mga taong nakikinig sa kanyang pangangaral na may darating na higit na dakila kaysa sa kanya. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus ang tinutukoy ni Juan Bautista. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao at bumaba sa lupa upang tayo'y makapiling. 

Hindi ba Magandang Balita iyan? Sinong hindi masisiyahan sa balitang iyan? Ang ating pagkatao ay niyakap ng Diyos upang makapiling tayo. Nais ng Diyos na makapiling ang lahat. Hinahangad ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao. Kaya, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang kagandahan ng balitang iyan ay higit pa sa balitang iniuulat sa lahat. Kahit matagal na panahon ang lumipas mula nang maganap ang unang pumarito ni Kristo bilang Tagapagligtas, maganda pa ring balikan ang kasaysayan ng pagliligtas sa atin ng Panginoon. Patuloy itong naghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa lahat. Walang kapantay ang halaga ng Magandang Balita kung saan isinalaysay ang pagtubos ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Nananawagan ang Inang Simbahan sa bawat isa sa atin na magalak habang ating pinananabikan at pinaghahandaan nang buong kataimtiman ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Malapit nang sumapit ang Pasko. Ang pagdating ng Panginoon ay malapit nang maganap. Walang pangakong hindi Niya tinutupad. Tinutupad Niya ang lahat ng mga pangakong Kaniyang binitiwan. Sa Kanyang pagdating, hatid Niya sa bawat isa'y pag-asa, kapayapaan, pagpapala, at kagalakan. 

Ang paghahanda at paghihintay natin para sa pagdating ng Panginoon sa buhay natin ay dapat mapuspos ng galak. May gagawin Siyang napakahalaga para sa atin. 

MAGALAK! GAUDETE! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento