Martes, Disyembre 18, 2018

SIYA ANG BAHALA

20 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Isang dalaga ang itinatampok sa mga Pagbasa. Isang dalaga ang hinirang ng Diyos upang maging Kanyang instrumento sa pagpapahayag ng Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng dalagang ito, isasagawa ng Diyos ang Kanyang kaloobang tubusin ang lahat ng tao. Kalooban ng Diyos ang kaligtasan at kalayaan ng sangkatauhan mula sa pagkabihag at pagkaalipin sa ilalim ng mga puwersa ng kadiliman at kasamaan. At sa pagpapahayag ng kalooban Niyang ito, ang Diyos ay humirang at gumamit ng isang dalaga bilang Kanyang instrumento. Ang Diyos ang nagpapahayag ng Kanyang kalooban na sumasalmin sa Kanyang kadakilaan. Ang dalagang Kanyang hinirang ay instrumento lamang. At ang dalagang ito ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. 

Si Maria ang pinagtutunan ng pansin sa mga Pagbasa. Siya ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag na inilahad sa pinakadaulo ng Unang Pagbasa tungkol sa palatandaang ibibigay ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Isang dalaga ang maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Ito ang ibinalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ibinalita sa kanya ng anghel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Sa kabila ng kanyang pagkadalaga, si Maria ay nakatanggap ng isang napakabigat na pananagutan mula sa Diyos. 

Para kay Maria, ang pagiging ina ni Kristo ay isang napakalaking karangalan at isang napakalaking pananagutan. Ang pananagutang kaakibat ng karangalang ito na ibinigay sa kanya ng Diyos ay napakalaki at napakabigat. Kaya naman, si Maria ay nanginig at nangatog nang marinig niya mula sa anghel kung ano ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos. Napakalaki at napakabigat ang pananagutang iyon para sa isang katulad niya. Ito ang ipinahiwatig ng kanyang katanungan sa anghel na si Gabriel. Sino ba naman ang hindi manginginig at mangangatog kapag nabigyan ng isang pananagutang tulad ng natanggap ng Mahal na Ina? 

Subalit, sa kabila nito, tinanggap pa rin ng Mahal na Birhen ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Ipinakita niya ang kanyang pananalig sa Panginoon na kaniyang iniibig at sinasamba nang higit sa lahat. Nanalig siyang aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay para sa kanya. Isinuko niya ang lahat sa Diyos na kanyang inaaasahan sa lahat ng pagkakataon. Ang lahat ng ipinlano ng Mahal na Birhen ay isinantabi niya upang matupad ang hangarin ng Panginoon. 

Isang napakahalagang aral ang nais ituro ng Mahal na Inang si Maria. May plano ang Diyos para sa bawat isa. Maganda ang Kanyang plano para sa bawat isa. Ang kalooban Niya para sa bawat isa ay higit na maganda kaysa sa naisin natin. Wala Siyang niloloob na masama para sa atin. Mabuti at maganda ang Kanyang niloloob para sa atin. Nais ng Diyos na gamitin tayo upang mahayag sa pamamagitan natin ang Kanyang kaluwalhatian. Nais ng Diyos na maging Kanyang mga instrumento na maghahayag ng Kanyang kadakilaan. 

Napakahalaga ang itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria, ang ating Mahal na Ina. Lahat tayo ay tinuturan niyang manalig sa Diyos. Magtiwala lang tayo sa Diyos. Siya ang bahala sa atin. Siya ang mag-iingat at papatnubay sa atin. Siya ang kikilos para sa atin. Hindi Niya tayo hahayaang mapahamak. Tayong lahat ay lagi Niyang ipagsasanggalang mula sa kasamaan. At tulad ng sinabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Ina sa Ebanghelyo, walang hindi kayang gawin ang Diyos. Ang lahat ng Kanyang naisin ay tutuparin Niya. Tiwala lang, Siya ang bahala. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento