23 Disyembre 2018
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw
Mikas 5, 1-4a/Salmo 79/Hebreo 10, 5-10/Lucas 1, 39-45
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Napakalayo ng kanyang nilakbay mula sa Nazaret patungo sa lugar kung saan nakatira ang kanyang kamag-anak. Maaari rin siyang malagay sa peligro dahil sa kanyang kalagayan. Si Maria ay nagdadalantao rin tulad ni Elisabet noong panahong iyon. Sa kabila ng kanyang pagdadalantao, tinuloy pa rin ni Maria ang kanyang planong maglakbay nang napakalayo tungo kila Elisabet at Zacarias upang makadalaw at makasama ang kanyang kamag-anak. Dala-dala ni Maria sa kaniyang sinapupunan si Hesus habang dinadala naman ni Elisabet sa kanyang sinapupunan si San Juan Bautista.
Ang mga salita ni Elisabet kay Maria sa pinakahuling bahagi ng Ebanghelyo ang kanyang pagbibigay-pugay sa kanyang kamag-anak na naglakbay nang malayo para lang makadalaw sa kanya. Sabi niya, "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (1, 45) Ang Mahal na Birheng Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos. Kahit mahirap intindihin ang kalooban ng Diyos, ipinakita pa rin ni Maria ang kanyang pananalig sa Kanya. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang Kanyang plano para sa sangkatauhan. Hindi man alam ng Mahal na Ina ang eksaktong pamamaraan kung paano isasakatuparan ng Diyos ang Kanyang kalooban, nanalig pa rin siyang matutupad ang Kanyang kalooban. At iyon ay sapat na. Para sa Mahal na Birhen, ang Diyos na ang bahala.
Inilahad sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang kalooban ng Diyos. Inihayag ng Panginoon sa Unang Pagbasa na hango sa aklat ni propeta Mikas na isang hari ang magmumula sa bayan ng Betlehem. At sa Ikalawang Pagbasa, inihayag na si Hesukristo ang katuparan ng propesiyang ito. Sinasalamin ng propesiyang ito ang kalooban ng Diyos para sa lahat. Niloob ng Diyos na maligtas ang lahat. Kaya naman, gumawa Siya ng paraan para matubos ang sangkatauhan. Ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Hesus, ang Banal na Sanggol na dala-dala ni Maria sa kanyang sinapupunan, ang magbibigay ng katuparan sa dakilang planong ito. Sa pamamagitan Niya, maisasakatuparan na ang plano ng Banal na Santatlo na tubusin ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan.
Si Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos. Nanalig siya na para sa ikabubuti ng lahat ang kalooban ng Diyos. Nanalig siya na walang masamang hinahangad ang Diyos para sa bawat tao. Nanalig siya sa kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos. Kaya naman, ibinigay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buong pusong pananalig sa Diyos. Ang lahat ng nauukol sa kanya, ang lahat ng kanyang mga binalak sa buhay bago ang pagbabalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel, ay kanyang tinalikuran upang bigyang daan ang katuparan ng kalooban ng Panginoong Diyos. Ang pagsuko ng buong sarili ng Mahal na Inang si Maria sa Diyos ay nagpahayag ng kanyang pananalig at pagmamahal sa Kanya.
Kaya naman, tunay na pinagpala ang Mahal na Ina. Itinuro sa atin ni Maria kung paano maging tunay na mapalad. Kung nais nating maging tunay na mapalad, ibibigay natin sa Diyos ang buong puso nating pagmamahal at pananalig sa Kanya. Tatalikdan natin ang lahat ng ating mga plano sa buhay upang magbigay-daan sa katuparan ng Kanyang plano. Mahirap man gawin ito, subalit kung tunay nating iniibig at pinananaligan ang Diyos, handa tayong gawin iyan. Ang mga nananalig at nagmamahal nang buong puso't kaluluwa ay binubuhusan ng Diyos ng Kanyang pagpapala. Iyan ang Kanyang regalo para sa bawat nananalig at umiibig sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento