19 Disyembre 2018
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaapat na Araw
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25
Ang pagpapala ng Diyos ay kahanga-hanga. Ito ang nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng mga pagpapalang Kanyang ipinagkakaloob sa lahat, ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan. Ang mga pagpapala ng Diyos ay sumasalamin sa Kanyang kapangyarihan at kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga. Patuloy Niyang ibinubuhos sa bawat isa ang Kanyang mga kahanga-hangang pagpapala. Ang pinakadakilang pagpapalang natanggap ng sangkatauhan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Dalawang magkabiyak ng puso ang itinatampok sa mga Pagbasa. Sa mga mata ng sanlibutan, walang katiyakang ang dalawang mag-asawang ito na makatanggap ng kahit isang pagpapalang katulad ng ipinagkaloob sa kanila ng Diyos sa mga tampok na salaysay sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, pinagkalooban ng isang anak na lalaki sina Manoa at ang kanyang asawa. Hindi nasasaad sa salaysay kung sino nga ba kina Manoa at ang kanyang misis ang baog. Iyon lamang ang kaisa-isang impormasyong ibinibigay sa Unang Pagbasa - hindi mabuntis ang misis ni Manoa. Subalit, ang hindi inakalang mangyayari ay nangyari. Ang Panginoong Diyos ay gumawa ng isang kahanga-hangang himala para kina Manoa at sa kanyang misis. Ang asawa ni Manoa ay nabuntis. Isang anak na lalaki ang ipinagkaloob ng Diyos kay Manoa at sa kanyang asawa - si Samson.
Sa Ebanghelyo, sina Zacarias at ang kanyang asawang si Elisabet ay pinagkalooban ng isang anak na lalaki. Sa kabila ng kanilang katandaan, isang anak na lalaki ang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Ang ipinapanalangin nila sa loob ng napakahabang panahon ay tinugon ng Diyos sa panahong hindi inaaasahan. Kung kailan sila tumanda at nasa edad kung saan hindi na sila puwedeng magkaanak, saka pa lamang sila magkakaroon ng anak. Si San Juan Bautista ang ipinagkaloob ng Diyos kina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Ang mauuna sa Mesiyas upang ipaghanda ang kanyang daraanan, ang Tagapaguna, ang Tagapaghanda. Siya ang magiging anak nina Zacarias at Elisabet.
Walang sinuman sa kapanahunan nila ang nag-akalang magkakaanak ang dalawang magkabiyak ng puso na ito. Sa mata ng daigdig, tapos na ang panahong puwede silang magkaanak. Hindi na sila puwedeng magkaanak. Wala nang pag-asa para sa kanila. Subalit, sa kabila ng pananaw ng sanlibutan tungkol sa mga katulad nila, ang dalawang magkabiyak ng pusong itinatampok sa mga Pagbasa ay tumanggap ng isang kahanga-hangang pagpapala mula sa Diyos. Sila ay ginamit ng Diyos upang ihayag sa pamamagitan nila ang Kanyang kahanga-hangang kapangyarihan. Mangyayari ang anumang loobin ng Diyos. Walang bagay na hindi Niya kayang gawin sapagkat kaya Niyang gawin ang lahat kung ito'y Kanyang naisin.
Ang mga karanasan ng dalawang mag-asawa sa mga Pagbasa ang nagpapatunay na kahanga-hanga ang pagpapala ng Panginoon. Kahit ang mga hindi inakalang makakatanggap ng biyaya mula sa Panginoon ay nakakatanggap rin ng biyaya mula sa Kanya. Ang lahat ng tao'y pinagkakalooban ng pagpapala mula sa Diyos. Ito ang nagpapatunay na tunay ngang mabuti ang Diyos sa lahat. Ang bawat isa'y Kanyang kinahahabagan, kinakalinga, at pinagpapala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento