Miyerkules, Disyembre 26, 2018

TAPAT SA SALITANG NAGKATAWANG-TAO

26 Disyembre 2018 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Tampok sa Unang Pagbasa ang isang maikling talambuhay ni San Esteban. Si San Esteban ang kauna-unahang martir ng Simbahan. Siya ang unang namatay alang-alang sa pananampalataya. Sa halip na talikdan at tumiwalag sa Simbahan upang mailigtas ang kanyang sarili, pinili niyang mamatay nang buong katapatan bilang isang martir. Ipinasiya niyang maging martir para kay Kristo. Si Kristo ang kanyang pinili kaysa sa kanyang buhay dito sa lupa na pansamantala lamang. Dahil pinili niyang manatiling tapat kay Kristo, siya'y pinatay ng kaniyang mga tagausig. Hindi siya natakot mamatay sa kamay ng kanyang mga tagausig dahil sa kaniyang katapatan kay Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao. Kahit sa harap ng kamatayan, nanatili pa rin siyang tapat sa Salitang nagkatawang-tao. Pumanig pa rin siya sa Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa mga apostol ang kanilang mararanasan sa kanilang buhay bilang Kanyang mga saksi. Itatakwil sila ng marami dahil sa kanilang ipinangangaral. Silang lahat ay hinirang ni Hesus na mangaral tungkol sa Kanya sa lahat. Subalit, hindi magiging madali ang kanilang misyon. Ang bawat isa sa mga apostol ay dadanas ng napakaraming mga pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya at katapatan kay Kristo. Iyan ang naranasan ni San Esteban. Nagtiis siya ng maraming pag-uusig dahil kay Kristo. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, nanatili siyang tapat sa Panginoon. 

Isang ehemplo ng katapatan si San Esteban. Hindi niya tinalikuran si Kristo kahit nasa harap ng matinding pag-uusig. Hindi siya nagdalawang-isip ukol sa kanyang pananampalataya at pananalig kay Kristo. Buong katapatan siyang nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya sa Panginoon. Nanalig siya sa Panginoon nang buong katapatan. Pinanindigan niya ang kanyang pananalig at pagpanig sa Panginoon hanggang sa kanyang huling hininga. Tinuturan tayo ni San Esteban na manatiling tapat sa Panginoong Hesukristo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento