21 Disyembre 2018
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaanim na Araw
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45
Ang konsepto ng tinig ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Likas sa katangian ng bawat isa sa atin bilang tao na kapag nakakarinig tayo ng tinig, lalung-lalo na ang mga malalakas na tinig, pansamantala nating ititigil ang anumang ginagawa natin upang pakinggan ito nang mabuti. Kapag nanggaling sa mga likuran natin ang tinig na iyon, lilingon tayo para malaman kung kanino nanggaling ang tinig na iyon. Maaaring isa iyon kakilala natin, o 'di kaya ibang tao na nagkataon kasing-boses ng isang kakilala natin at makikipag-usap sa kanyang kakilala.
Iba ang nagagawa ng mga tinig. Anuman ang ginagawa natin, mapapatigil tayo kapag nakakarinig ng tinig. Handa tayong pakinggan ang mga tinig. Isasantabi natin ang ating mga ginagawa para makinig. Lalung-lalo na kapag tayo mismo ang binabati o kinakausap. Susundan natin ang tinig upang malaman kung saan ang pinanggalingan ng tinig na iyon at kung kakilala ba natin o hindi.
Subalit, ibang uri ng tinig ang itinatampok sa mga Pagbasa. Ang tinig na ito'y isang tinig na kahali-halina. Iba ang hatid ng mga tinig na ito sa mga tagapakinig ng mga ito. Maaakit ang sinumang makikinig sa mga tinig na ito. Ang mga tinig na ito ay maihahalintulad sa mga musikang masarap pakinggan. Mapapayapa, gagaan ang loob ng bawat taong makikinig sa mga tinig na ito. Ang mga tinig mula sa ilang mga panauhin sa mga Pagbasa, kahit mahinhin, ay nagdudulot ng tuwa't saya.
Ang tinig ng isang sinisinta ay itinatampok sa Unang Pagbasa. Ang karakter na umiibig ay nakakaramdam ng ginhawa sa tuwing napapakinggan niya ang tinig ng kanyang iniibig. Tinig pa lamang ang napapakinggan, humihinahon na siya. Kung mainit ang kanyang ulo, mawawala ito agad kapag ang matamis na tinig ng kanyang sinisinta. Hihinto siya sa anumang ginagawa niya para lamang mapakinggan ang tinig na kanyang iniibig na masarap pakinggan.
Itinampok sa Ebanghelyo ang tinig ng Mahal na Birheng Maria. Matapos ibalita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, agad na tumungo si Maria sa lugar kung saan nakatira sina Elisabet at Zacarias. Sa kabila ng layo nito sa Nazaret, desidido si Maria na dalawin ang kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin katulad niya noong panahong iyon sa kabila ng kanyang katandaan. At ang tinig ng Mahal na Birhen ay hindi lamang nagdulot ng tuwa kay Elisabet kundi na rin sa sanggol na si San Juan Bautista na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan.
Hindi nasasaad sa Ebanghelyo kung ano nga ba talaga ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Mahal na Inang si Maria nang batiin niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang tanging pinagtuunan ng pansin ni San Lucas sa kanyang salaysay ay ang tinig ng Mahal na Ina. Ang tinig ni Maria ay nagdulot ng tuwa sa kanyang kamag-anak na si Elisabet at sa sanggol na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista sapagkat ang ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus ay dala-dala ni Maria sa kanyang sinapupunan. Si Maria ay naghatid ng tuwa sa pamamagitan ng pagdadala kay Hesus. At kapag si Hesus ay tinaglay ng bawat isa sa kani-kanilang mga puso, sila'y magiging tagapaghatid at tagapagpalaganap ng tunay na kaligayahan.
May tanong ang mga Pagbasa para sa bawat isa sa atin - sino o ano ang dinadala natin? Sino o ano ang ating tinataglay natin sa ating mga puso? Ano ang ating ipinapalaganap at inihahatid sa kapwa? Kapag naririnig ng kapwa ang iyong tinig, ano ang kanilang nararamdaman? Sapagkat nararamdaman ng ating kapwa ang dinadala natin sa pamamagitan ng pakikinig sa ating mga tinig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento