Huwebes, Disyembre 20, 2018

AWIT NG BUHAY

22 Disyembre 2018 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Mga awitin ang itinatampok sa mga Pagbasa. Isinasalmin ng mga awitin ang kalagayan ng bawat isa sa buhay. Malalaman natin kung ano ang nararamdaman ng bawat isa sa pamamagitan ng pakikinig sa mga awit na kanilang pinapakinggan at sinasabayan. Kapag nakikinig ng mga masasayang kanta ang isang tao, masasabi nating masaya at maginhawa ang kanyang buhay. Kapag mga malulungkot na awitin naman ang pinapatugtog ng isang tao, mapagtatanto nating mayroon siyang pinagdadaanan. Ito ang nagpapatunay na ang mga awiting pinapakinggan at inaawit natin ay may ugnayan sa ating buhay. 

Dalawang babae sa mga Pagbasa ay nagpahayag ng kanilang mga nararamdaman sa pamamagitan ng kanilang mga awit. Tuwa ang naghahari sa puso't damdamin ng mga babaeng may-akda ng mga awiting tampok sa mga Pagbasa. Ang mga awiting ito ay sumasalamin sa kaligayahang kanilang nararamdaman. Inilalarawan sa mga awiting ito kung saan nagmula ang kanilang kaligayahan. 

Sa Unang Pagbasa at Salmo, si Ana ay napuspos ng tuwa sapagkat dininig ng Diyos ang kanyang panalangin. Matagal siyang nanalangin sa Panginoon na bigyan siya ng kahit isang anak man lamang. Si Ana ay lumuluhang dumulog at sumamo nang buong kataimtiman sa Panginoong Diyos para lamang matupad ang kanyang kaisa-isang kahilingan sa buhay. Humingi pa nga siya ng panalangin mula sa saserdoteng si Eli. At nang magkaanak, ang batang si Samuel na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos upang maging kanyang anak ay kanya namang inihandog sa Kanya. At buong puso't kaluluwang nagbigay ng papuri sa Panginoong Diyos si Ana sa pamamagitan ng isang awitin. Sa kanyang awit ng papuri, si Ana ay nagpatotoo tungkol sa walang hanggang kabutihan ng Panginoong Diyos. 

Tulad ng awit ni Ana na itinampok sa Salmo, ang awit na itinampok sa Ebanghelyo ay nagpahayag tungkol sa kabutihan ng Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay nagbigay papuri't karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-awit. Umawit siya ukol sa ginawa ng Diyos para sa kanya. Isang dalagang namumuhay nang payak sa bayan ng Nazaret ay itinampok ng Diyos. Sa kabila ng kanyang pagkaaba, siya'y itinampok at itinaas ng Diyos. Siya'y kinalugdan at dinakila ng Diyos sa lahat ng mga babae. Si Maria, ang Mahal na Ina, ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala at ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. 

Inihayag ni Ana at ng Mahal na Ina ang kanilang kagalakan sa Diyos sa mga awit ng kanilang buhay. Kaya naman, itinatanong sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang awit ng ating buhay. Anuman ang kalagayan natin sa buhay, sumentro nawa ito sa Diyos. Sana nakasentro ang Diyos sa awit ng buhay ng bawat isa sa atin, kahit may pinagdadaanan tayo sa buhay. Huwag nating kalimutan ang Diyos sa pagbuo ng mga awit ng ating buhay. Siya ang tangi nating makakapitan sa bawat oras, anuman ang kalagayan natin sa buhay. Lagi Siyang nandiyan para sa atin. 

Ano ang awit ng iyong buhay? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento