Lunes, Disyembre 10, 2018

BUKAL NG KAGALAKAN

12 Disyembre 2018 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13, 18bkde. 19/Lucas 1, 39-47 


Ang paksang tinatalakay sa mga Pagbasa ay ang pinagmulan ng kagalakan. Saan nga ba nagmumula ang kagalakan? Kung hindi saan, sino ang pinagmumulan ng kagalakan? Totoo ba ang kagalakang yaon? Ano nga ang kaibihan nito sa galak na hatid ng sanlibutang ito? Ang mga katanungang ito'y sinasagot sa mga Pagbasa para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe. 

Saan nagmumula ang kagalakan? Sino nga ba ang bukal ng kagalakan? Tama naman ang mga katanungang ito. Wala namang mali sa dalawang tanong ito dahil ang kagalakan ay nagmumula sa langit at ang bukal ng kagalakan ay naging tao. Sa Diyos nagmumula ang kagalakan. Ang Diyos ang bukal ng kagalakan. At noong dumating ang takdang panahon, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At si Hesus ay ipinaglihi at iniluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga mula sa Nazaret. Ang babae o ang dalaga na naglihi at nagsilang sa Kanya ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Si Maria na isang payak na dalaga mula sa bayan ng Nazaret ang hinirang ng Diyos upang maging tagapagdala ni Kristo. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Matapos dalawin ng Arkanghel na si San Gabriel na nagbalita sa kanya tungkol sa paghirang ng Diyos sa kanya bilang ina ni Hesukristo, agad-agad na naglakbay si Maria patungo sa bahay ni Zacarias upang dalawin ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Kahit napakalayo mula sa kanyang bayan ng Nazaret ang bayan kung saang nakatira sina Zacarias at Elisabet, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na ituloy ang kanyang pagbisita sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin tulad niya. Sa kaniyang pagdalaw sa kamag-anak niyang si Elisabet na nagdadalantao sa kabila ng kaniyang katandaan, dala-dala ni Maria ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus sa kaniyang sinapupunan. Kaya naman, nang marinig ang pagbati ni Maria, ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa sa loob ng sinapupunan ni Elisabet. 

Ang mga salita ng Panginoon na inilahad ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa ay mga salitang nagdudulot ng kagalakan. Ang pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos ay dapat ngang ikagalak. Darating Siya upang makapiling ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito na Kaniyang binitiwan ay natupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan sa Lumang Tipan. Tunay ngang dakila at kahanga-hanga ang gawaing ito ng Diyos. Kaya naman, ang bawat isa'y inaanyayahan ng mang-aawit ng Salmo na magpuri sa Kaniya. 

Kung ikukumpara natin ang kagalakang kaloob ng Diyos at ang kagalakang kaloob ng sanlibutan, buong kalinawan nating makikita ang napakalaking kaibahan ng dalawang ito. Ang kagalakan dito sa sanlibutan ay pansamantala lamang. Saglit lamang iyan. Hindi mananatiling maligaya ang bawat tao dito sa sanlibutan habambuhay. Subalit, ang kagalakang hatid ng Diyos ay walang hanggan. Tunay ang kagalakang hatid ng Diyos. At ang tunay na kagalakang ito na mula sa Diyos ay walang hanggan. Ang tunay na kagalakang walang hanggan na kaloob ng Diyos ay matatamasa natin sa Kaniyang piling sa langit. Kaya naman, ang kagalakang kaloob ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa kagalakang hatid ng sanlibutang ito. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng sanlibutang ito ang kaloob ng Diyos. 

Ang Diyos ang bukal ng kagalakan. Ang kagalakang hatid Niya sa atin ay tunay at walang kapantay. Ang kagalakang kaloob ng Diyos sa bawat isa ay walang hanggan. Kaya naman, nararapat lamang na magbigay papuri't pasasalamat sa Diyos dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa, tulad ng inilarawan sa awitin ng Mahal na Ina sa huling bahagi ng Ebanghelyo. Kaisa natin ang Birhen ng Guadalupe na si Maria, ang ating Mahal na Ina, sa pagbibigay papuri sa nag-iisang bukal ng kagalakan - ang Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento