Linggo, Disyembre 9, 2018

KARANASAN NG PAG-IBIG AT HABAG NG DIYOS

10 Disyembre 2018 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Katedral ng Maynila 
(Ika-60 Anibersaryo) 
*Ang mga piling Pagbasa ay mula sa Pangkat ng mga Pagdiriwang - Sa Taunang Paggunita sa Pagtatalaga ng Bahay-Dalaganinan
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 94/1 Pedro 2, 4-9/Lucas 19, 1-10


Ang mga gusaling Simbahan ay itinayo at itinalaga para sa kapakanan ng bawat mananampalataya. Sa tuwing sila'y papasok sa mga Simbahan, nagkakaroon sila ng panahong manalangin at magpasalamat sa Diyos nang taimtim. At linggo-linggo, ang bawat mananampalataya ay nagkakatipon-tipon upang makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, nakakapiling ng bawat mananampalataya si Kristo Hesus na dumarating sa anyo ng tinapay at alak. Ang karaniwang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo sa Konsekrasyon. Ang Katawan at Dugo ng Panginoon ay tinatanggap ng bawat deboto't mananampalataya sa Banal na Misa na ipinagdiriwang sa bawat araw ng sanlinggo. 

Sa Simbahan, nararanasan ng bawat mananampalataya ang habag at pag-ibig ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagsasawang tumutungo sa mga banal na lugar na ito ang mga mananampalataya. Nararamdaman nila ang banal na presensya ng Diyos sa tuwing papasok sila sa Simbahan. Nararanasan nila sa kanilang pag-apak sa loob ng Simbahan ang pagbuhos ng pagpapala, pag-ibig, at habag ng Diyos. Sa Simbahan, nananahan ang Diyos. Dinadalaw ang Diyos ng bawat mananampalataya sa tuwing papasok sila sa Simbahan. At sa kanilang pagpasok sa Simbahan, nararanasan nila ang grasya ng Diyos. Kaya naman, ang Simbahan ay daluyan ng habag, pag-ibig, at pagpapala ng Diyos. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang pahayag ng Diyos tungkol sa Templo. Sabi ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad ni Isaias, magiging bahay-dalanginan ng lahat ng mga bansa ang Templo. Tutungo ang lahat ng tao sa Templo ng Diyos upang dumalangin sa Kanya. Sa kanilang taimtim na pagdalangin sa Diyos, itataas nila sa Kanya ang kanilang mga kahilingan, pagpupuri, at pasasalamat. Isang paanyaya naman ang inilahad sa Salmo. Inaanyayahan ang lahat na lumapit sa Diyos upang itaas sa Kanya ang mga panalangin ng papuri't pasasalamat, gayon din ang mga kahilingan sa buhay. At ang paanyayang ito mula sa Salmo'y umaalingangaw sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro. Ang lahat ng mga Kristiyano'y inaaanyayahang lumapit sa presensya ng Diyos upang maghandog ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa paningin Niya (2, 4-5). 

Sa Ebanghelyo, si Zaqueo na isang publikanong kinasusuklaman at pinagtatabuyan ng kaniyang lipunan ay binigyan ng pagkakataon ng Panginoong Hesukristo na maranasan ang Kanyang habag at pagpapala. Ang paksang pinagtuunan ng pansin sa kabuuan ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang larawan ng Panginoong Hesus bilang maawain at mahabaging Panginoon. Kahit si Zakeo ay hindi tinatanggap ng lipunang kanyang kinabibilangan noon dahil sa kanyang trabaho bilang publikano, pinili pa rin ni Hesus na dumalaw sa kanyang tahanan. Hindi ipinagkait ni Hesus sa kanya ang pagkakataong maranasan ang habag at grasyang kaloob Niya sa lahat. At dahil sa karanasang ito, nagbago ang buhay ni Zakeo. 

Tulad ng ibang mga Simbahan, ang Katedral ng Maynila ay itinatag at itinalaga para sa espirituwal na kapakanan ng bawat mananampalataya, lalung-lalo na para sa mga pamayanang nasasakupan ng Arkidiyosesis ng Maynila. Subalit, ang halaga nito'y higit pa sa ibang mga Simbahan sapagkat ang Katedral na ito'y kinikilala bilang Inang Simbahan ng Pilipinas. Dito rin nakaluklok ang Mahal na Kardinal at Arsobispo ng Maynila. At ang kasaysayan ng Katedral ng Maynila ay kasaysayan rin ng lahat ng mananampalatayang Pilipino. Ilang ulit mang madapa o bumagsak, paulit-ulit na babangon. Iyan ang buod ng mahabang kasaysayan ng Katedral ng Maynila na sumasalamin sa kuwento ng bawat mananampalatayang Pilipino. Kaya, ang pagtatalaga sa Katedral ng Maynila ay ginugunita taun-taon. 

Sa tuwing tayo'y pumapasok sa mga Simbahan tulad ng Katedral ng Maynila, hayaan nating kumilos ang presensya ng Diyos. Damhin natin ang habag, pag-ibig, at pagpapalang kaloob ng Diyos habang ipinapadama sa atin ng Panginoon ang Kaniyang presensya. Tulad ni Zakeo, nawa'y himukin tayo ng ating karanasan ng presensya ng Diyos na baguhin ang ating mga sarili. At nawa'y walang sawa tayong bumalik sa mga Simbahan upang dumulog, magpuri, at magpasalamat sa Diyos. At sa ating patuloy na pagdalangin sa Diyos, sinasamahan tayo ng Mahal na Birheng Maria, ni San Jose, at ng lahat ng mga anghel at banal sa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento