Miyerkules, Disyembre 26, 2018

APOSTOL NA NAG-AANYAYA

27 Disyembre 2018 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita 
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8 


Si San Juan Ebanghelista ay isa sa mga hinirang ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang alagad. Tulad ng iba pang mga alagad, nakasama niya si Hesus sa loob ng mahabang panahon. Ang kanilang samahan ay tumagal nang mahaba mula noong sila'y piliin at hirangin ni Hesus. Habang nagkasama sila ng Panginoong Hesukristo sa loob ng mahabang panahon, naranasan nila ang Kanyang wagas na pagmamahal. Naranasan nila kung paano silang inibig ni Hesus. At silang lahat ay iniatasan ni Hesus na maging Kanyang mga saksi sa lahat ng mga bansa. 

Tampok sa mga Pagbasa ang mga patotoo ni San Juan tungkol sa wagas na pag-ibig ni Kristo na kanyang naranasan noong Siya'y nakasama niya. Kung papansining mabuti ang mga sinulat ni San Juan, iisa lamang ang nais niyang pagtuunan ng pansin - ang pag-ibig ng Panginoon. Paulit-ulit siya sa kanyang mga sulat. Lagi siyang nangangaral tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Halimbawa na lamang ay ang nasasaad sa Unang Pagbasa na hango mula sa pambungad ng kanyang unang sulat. At sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paano siya pumunta sa libingang walang laman kasama ni Apostol San Pedro matapos ang Panginoong Hesukristo ay mabuhay na mag-uli. Tulad ng iba pang mga pagkakataon sa kanyang Ebanghelyo, hindi niya binabanggit ang kanyang pangalan. Bagkus, ang tawag niya sa kanyang sarili ay "ang alagad na minamahal." 

Ano ang layunin ni Apostol San Juan sa tuwing ipinapakilala niya ang kanyang sarili sa kanyang salaysay ng Ebanghelyo bilang "alagad na minamahal ni Hesus"? Minamaliit ba niya ang iba pang mga alagad? Sinasabi ba niyang siya'y higit na dakila kaysa ang ibang mga alagad tulad nina Apostol San Pedro? Hindi. Bagkus, ginawa niya ito upang bigyan ng pagkakataon ang mga magbabasa ng kanyang sinulat na maranasan ang kanyang naranasan. Nais niyang ilagay natin ang ating mga sarili sa kanyang posisyon. 

Inaanyayahan ni Apostol San Juan ang bawat isa na maranasan ang pag-ibig ng Panginoon katulad niya. At ang karanasan na ito ay hindi dapat ilihim. Bagkus, ito'y dapat ibahagi at patotohanan sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento