Sabado, Disyembre 8, 2018

PANAHON NG PAGTUTUNGANGA?

9 Disyembre 2018 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6 



Isa sa mga temang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan tuwing sasapit ang kapanahunan ng Adbiyento ay ang tema ng paghahanda. Bukod sa pagiging panahon ng pananabik, ang Adbiyento ay panahon rin ng paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon. Mas pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento ang tema ng paghahanda. Sa mga Pagbasa, tinatalakay ang kahalagahan ng paghahanda habang naghihintay. Hindi sapat ang maghintay lamang na walang ginagawa. May paghahandang kailangang gawin. 

Tampok sa Ebanghelyo ang panawagan ni San Juan Bautista na umalingawngaw mula sa Ilog Jordan. Panawagan ni Juan Bautista sa lahat - talikuran ang kasamaan at magpabinyag bilang paghahanda ng kanilang mga sarili para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng paghahandang ito, sila'y magiging marapat na tumanggap at sumalubong sa Panginoon sa Kanyang pagdating. Sa tulong ng kanilang paghahanda para sa pagdating ng Panginoon, magiging busilak ang kanilang mga puso't kalooban. Ang pagkakaroon ng isang busilak na puso't loobin ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Ang pahayag ni propeta Isaias tungkol sa pagdating ng Panginoon ay pinagtuunan ng pansin ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Nakasaad sa pahayag na ito mula sa aklat ni propeta Isaias kung ano ang mangyayari pagdating ng Mesiyas. Ayon sa pahayag na ito, ang kaligtasang kaloob ng Diyos ay mahahayag sa lahat sa pamamagitan ng Mesiyas. Sa pamamagitan ng Mesiyas, ang Diyos ay darating upang tubusin ang lahat. Masasaksihan ng lahat kung paanong ililigtas ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos. At ang pahayag na ito'y natupad sa pagdating ni Hesus. Ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus ang sentro ng pangangaral ni Juan Bautista na naunang lumitaw upang ihanda ang lahat para sa Kanyang pagdating. 

Ito ang tinutukoy sa Salmong Tugunan ngayon. "Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa." (125, 3) Ang pagdating ng Panginoong Hesus bilang Mesiyas ay gawa ng Diyos. Ipinasiya ng Diyos na pumanaog sa sanlibutan bilang tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang gawaing ito ng Diyos ay tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Tunay ngang nagdudulot ng tuwa't galak sa bawat isa ang gawang ito ng Diyos. Ito rin ang Mabuting Balitang tinukoy ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Ang Mabuting Balitang ito na ipinapalaganap at pinatotohanan sa bawat panig ng daigdig upang ihanda ang lahat ng tao para sa muling pagdating ni Kristo sa wakas ng panahon. Ang Panginoong Hesukristo, na tumubos sa lahat ng tao sa Kanyang unang pagdating sa lupa, ay muling magbabalik sa wakas ng panahon. 

Kaya nga, ang pahayag ni propeta Baruc sa Unang Pagbasa ay isang panawagan na magsaya. Ang panawagang ito ni Baruc ay hindi lamang para sa mga Israelita noong panahong yaon kung saan  itinapon ang mga Israelita sa pagkabihag sa Babilonia. Bagkus, ang panawagang ito'y para sa lahat, anuman ang panahong kinabibilangan. Kahit na lumipas ang napakatagal na panahon mula noong ito'y isinulat, naangkop pa rin ang panawagang ito ni propeta Baruc, lalo na ngayong panahon ng Adbiyento. Ang panawagang ito'y nagsisilbing paalala sa lahat kung bakit ang panahong ito ng Adbiyento ay inilalaan sa paghahanda at pananabik para sa pagdating ng Panginoon. Pag-asa't kagalakan ang hatid ng Panginoon sa bawat isa. Hindi Siya maghahasik at magpapalaganap ng lagim at takot. Hatid Niya'y pag-asa't tuwa sa lahat. Kaya naman, ang panawagang ito ni propeta Baruc ay isang panawagang naghahatid ng pag-asa. 

Batay sa panawagan ni San Juan Bautista ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa ngayong panahon ng Adbiyento. Nananawagan ang Simbahan sa lahat na ihanda ang sarili nang buong kataimtiman upang ang bawat isa'y maging marapat na sumalubong at tumanggap sa Panginoon sa Kaniyang pagdating. Habang ang pagdating ng Panginoon ay pinananabikan, napakahalaga para sa bawat isa na ihanda ang kanilang mga sarili. Ang panahon ng Adbiyento ay hindi panahon para tumanganga lamang. Ang panahon ng Adbiyento ay panahon ng paghihintay at paghahanda nang buong kataimtiman para sa pagdating ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento