Sabado, Disyembre 29, 2018

NASA PANIG NG LIWANAG

31 Disyembre 2018 
Ikapitong Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 


Iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa. Tinalakay kung sinu-sino ang nasa panig ng liwanag. Ang liwanag na tinutukoy ay walang iba kundi si Hesus, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Paano nga ba makikilala ang mga tunay na nasa panig ng kaliwanagan? Ito ang katanungang nais bigyan ng kasagutan ng mga Pagbasa. 

Ang mga hindi nasa panig ng kaliwanagan ay inilarawan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Halos parehas lamang ang sinasabi sa dalawang pagbasang ito, lalo na't ang may-akda nito ay si San Juan. Sa Unang Pagbasa, ang mga hindi nasa panig ni Kristo na Siyang tunay na kaliwanagan ay inilarawan bilang mga anti-Kristo. Dati silang nasa panig ng liwanag, subalit ipinasiya nilang talikdan si Kristo. At sa Ebanghelyo, ang mga hindi nasa panig ng liwanag ay hindi nakakilala at tumanggap sa Kanya. Ang Salitang nagkatawang-tao na si Hesus na Siya ring liwanag na mula sa langit ay hindi tinanggap ng lahat. Ayaw nila sa Panginoong Hesukristo. Ang mga hindi nasa panig ng liwanag na si Hesukristo ay ang mga ayaw tumanggap at sumunod sa Kanya. Kahit na pumarito Siya sa daigdig dahil sa Kanyang pagmamahal, may mga ayaw tumanggap at sumunod sa Kanya. 

Kung nais nating maging tunay na kapanig ng liwanag na si Hesus, kinakailangan natin Siyang tanggapin at sundin nang buong puso't kaluluwa. Manatili rin tayong tapat sa Kanya hanggang wakas. Ang lahat ng mananatili sa panig ng Panginoon hanggang wakas ay Kanyang gagantimpalaan para sa kanilang katapatan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento