Lunes, Disyembre 24, 2018

SALITANG NAGDUDULOT NG KALIGTASAN

25 Disyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw] 
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)




Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang Diyos ay nagsalita sa paglipas ng panahon. Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay naghirang ng mga propeta upang maging tagapaghatid ng Kanyang Salita. Sa pamamagitan ng mga propeta, ang Diyos ay nagsalita sa lahat. Naihatid Niya ang Kanyang Salita sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga propeta. Subalit, sa pagsapit ng kapanahunan ng Bagong Tipan, ang pamamaraang ginamit ng Diyos sa paghahatid ng Kanyang Salita ay nagbago. Sa pamamagitan mismo ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ipinarating ng Diyos ang Kanyang Salita sa lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay ipinakilala ni San Juan sa simula ng kanyang Ebanghelyo bilang Salitang nagkatawang-tao. Ang Panginoong Hesukristo ang Salita ng Diyos na naging tao at namuhay kapiling ng lahat ng tao. Siya ang Salitang magdudulot ng kaligtasan sa lahat. Sa pamamagitan Niya, mahahayag ang pagliligtas ng Diyos, tulad ng inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Ang Salita, na kasama ng Diyos sa simula pa lamang at Diyos rin, ay nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. 

Noong gabi ng unang Pasko, dumating ang Salita sa daigdig. Dumating ang Salita bilang isang munting sanggol. Siya'y isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabing yaon. Ang Salita ay dinala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan. Ang sinapupunan ng Mahal na Ina ay naging tahanan Niya sa loob ng siyam na buwan. At nang makumpleto ang siyam na buwang pananahan sa sinapupunan ni Maria, isinilang ang Salita. Iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria ang Salita. Ang Salita na dumating sa daigdig bilang isang sanggol. 

Sa pamamagitan nito'y natupad ang nasasaad sa Salmo, "Ang pangako sa Israel lubos Niyang tinupad." (97, 3ab) Nangako ang Diyos noong unang panahon na darating Siya upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagsalita tungkol sa pangakong binitiwan ng Panginoon. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan na darating Siya bilang Mesiyas at Manunubos. Siya ay darating upang tubusin ang Kanyang bayan. At nang dumating ang panahong itinakda, ang pangakong ito ay tinupad ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. 

Ang Salita ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Maria noong gabi ng unang Pasko upang tayo'y tubusin. Sa pamamagitan Niya, nahayag ang dakilang plano ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao. Nahayag ang katuparan ng ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan. At sa pamamagitan ng Salita, ang Diyos ay nakapanayam at nakasama ng mga tao. Ang Panginoon ay lumapit sa tao sa pamamagitan ng Salita. Si Hesus ang Salitang kasama na ng Diyos sa simula pa lamang at Diyos rin katulad Niya. Iniwanan Niya ang kaluwalhatian ng langit at naging isang sanggol noong unang Pasko alang-alang sa ating lahat. 

Iyan ang misteryong ating ginugunita tuwing sasapit ang Pasko. Ang Salita ng Diyos na si Hesus ay naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Ang ating pagkatao, lalo na ang pagka-sanggol natin sa simula ng ating buhay dito sa lupa, ay Kanyang niyakap at tinanggap nang buong-buo. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang pagmamahal para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento