Lunes, Enero 7, 2019

ANG SIMULA

13 Enero 2019 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (K) 
Isaias 40, 1-5. 9-11 [o kaya: Isaias 42, 1-4. 6-7]/Salmo 103 [o kaya: Salmo 28]/Tito 2, 11-14; 3, 4-7 [o kaya: Mga Gawa 10, 34-38]/Lucas 3, 15-16. 21-22 


Isang napakahalagang kaganapan sa buhay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagbibinyag sa Ilog Jordan. Matapos Siyang binyagan ni San Juan Bautista, sinimulan Niya ang Kanyang pampublikong ministeryo. Ang Kanyang ministeryo ay binubuo ng Kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at mga himala tulad ng pagpapagaling sa mga maysakit. Sa pamamagitan ng Kanyang ministeryo, nahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos.

Ang Pagbibinyag kay Hesus ang hudyat ng simula ng Kanyang ministeryo. Sa salaysay ng pagbibinyag sa Kanya sa Ebanghelyo, Siya'y ipinakilala ng Ama at ng Espiritu Santo na bumaba sa anyo ng kalapati. Si Hesus ay ipinakilala ng Ama bilang Kanyang Anak na minamahal at kinalulugdan Niya nang lubusan. Ipinakilala ng Diyos Ama ang Diyos Anak nang Siya'y umahon mula sa tubig ng Ilog Jordan. Sa pamamagitan ng pagpapakilala sa Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, inihayag ng Ama na dumating na ang takdang panahon. Sumapit na rin sa wakas ang panahong inaasam. Dumating na ang panahon kung kailan sisimulan Niyang tuparin ang pangakong Kanyang binitiwan sa Matandang Tipan. Ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayan noong kapanahunan ng Matandang Tipan ay Kanyang tinupad sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Tumutukoy kay Hesus ang pahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Siya ay darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang Kanyang pagdating ay ipagsisigaw sa lahat. Ipapahayag at ipapalaganap ang balita tungkol sa Kanyang pagdating. Iyan ang mabuting balita na tinutukoy sa ikalawang bahagi ng pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Darating ang Panginoon. Si Hesus ay dumating noong sumapit ang panahong itinakda. Nang Siya'y binyagan ni San Juan Bautista, ang Amang nasa langit ay nagsalita upang Siya'y ipakilala sa lahat. Siya ang magtutupad sa lahat ng nasasaad sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang naghatid ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob para sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila. Sa pagdating ng Panginoong Hesus, nahayag ang kagandahang-loob ng Diyos. Inihayag ni Hesus ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng langit. 

Dumating si Hesus upang ihayag ang kagandahang-loob ng Diyos. Sa Kanyang pagdating, inihatid Niya ang kagandahang-loob ng Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay pumanaog sa sanlibutan sa pamamagitan ni Hesus. Sinugo Siya upang ipalaganap ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Dahil sa Kanyang kagandahang-loob para sa lahat, ipinasiya ng Diyos na dumating sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Binigyan si Hesus ng isang misyon. Ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama ay ipamalas ang Kanyang kagandahang-loob. Sa pamamagitan Niya, mahahayag ang kagandahang-loob ng Diyos na magdudulot ng kaligtasan sa lahat. Ito'y inihayag ng Ama pagkaahon ni Hesus mula sa tubig ng Ilog Jordan kung saan Siya'y nagsalita mula sa langit upang ipakilala ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Ama ang simula ng misyon ng Anak. Unti-unti na ring magaganap sa pamamagitan ni Hesus ang katuparan ng pangakong binitiwan sa Lumang Tipan. Ito ang maghahayag sa kahanga-hangang kagandahang-loob ng Panginoon na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento