Lunes, Enero 21, 2019

PAGBIBIGAY NG PALIWANAG

27 Enero 2019 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Nehemias 8, 2-4a. 5-6. 8-10/Salmo 18/1 Corinto 12, 12-30 (o kaya: 12, 12-14. 27)/Lucas 1, 1-4; 4, 14-21 


Image from: Sweet Publishing / FreeBibleimages.org

Ang mga tampok na karakter sa mga Pagbasa ay nagbibigay ng paliwanag sa kanilang mga tagapakinig. Ano nga ba ang layunin ng mga paliwanag? Ang layunin ng mga paliwanag ay magbigay ng kalinawan tungkol sa iba't ibang mga paksa. Ang mga paliwanag o eksplanasyon ay nagbibigay ng tulong sa mga tao na unawain ang iba't ibang mga paksang itinuturo. May mga konsepto kasing napakahirap aralin at unawain. Kaya, ang mga paliwanag ay napakahalaga. Napakahalaga ito, lalo na para sa mga taong mausisa. May mga taong nais palawakin ang kanilang karunungan o pang-unawa tungkol sa iba't ibang mga bagay. 

Tampok sa Unang Pagbasa ang mga Levita. Ang batas ng Diyos ay kanilang binasa sa harapan ng mga tao. Habang binabasa nila ang Kautusan ng Panginoong Diyos, ang mga tao'y nakikinig. Pinakinggan nila nang mabuti ang ibinabasa sa kanila ng mga Levita. Matapos nilang basahin ang batas ng Panginoon, nagbigay sila ng paliwanag sa mga tao upang lalo nilang maintindihan ang mga iniuutos sa kanila. Nais ng mga tao na sundin ang mga utos ng Diyos. Kaya, ipinaliwanag ng mga Levita sa mga tao ang mga utos ng Panginoong Diyos na kanilang binasa. Malaking tulong para sa mga tao ang paliwanag ng mga Levita. 

Si Apostol San Pablo ay nagbigay ng paliwanag tungkol sa ugnayan ng bawat bahagi ng katawan ng tao sa Ikalawang Pagbasa. Ang katawan ng bawat tao ay binubuo ng iba't ibang bahagi. Hindi isang bahagi lamang ang bumubuo sa katawan ng bawat tao. Ang katawan ay hindi lang puro mata, kamay, o tainga. May iba't ibang bahagi ang katawan ng bawat tao. At ang mga bahaging ito ay may kani-kanyang papel na ginagampanan. Subalit, ang iba't ibang bahaging ito ang bumubuo sa iisang katawan na tinataglay ng bawat tao. Ang bawat tao ay nilikha ng Diyos sa ganitong pamamaraan. Ginamit ni Apostol San Pablo ang pamamaraang ito upang ilarawan sa mga taga-Corinto ang kahalagahan ng pamumuhay nang may pagkakaisa bilang isang sambayanang bumubuo sa Katawan ni Kristo. 

Isang paliwanag tungkol sa isang propesiya na nasaaad sa aklat ni propeta Isaias sa Ebanghelyo. Galing mismo sa Panginoong Hesus ang paliwanag na ito. Si Hesus, ang Dakilang Guro't Panginoon, ay nagbigay ng paliwanag sa mga nagkatipon sa sinagoga tungkol sa propesiya ni propeta Isaias. Ang propesiyang ito'y tungkol sa misteryosong Lingkod ng Diyos na lilitaw pagdating ng takdang panahon. Maikli lamang ang naging paliwanag ng Panginoong Hesukristo. Wika ni Hesus sa mga nasa sinagoga na natupad na ang propesiyang ito sa pamamagitan Niya (4, 21). Bagamat maikli, napakalinaw ang Kanyang paliwanag sa mga nasa sinagoga noong araw na iyon. Siya ang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag tungkol sa ipinangakong Mesiyas na ipadadala ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Ang kahalagahan ng mga paliwanag ay ipinakita ng mga karakter sa mga Pagbasa, lalung-lalo na ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Itinuturo sa atin ng mga panauhing itinampok sa mga Pagbasa na ang pagbibigay ng paliwanag ay isang napakagandang pamamaraan ng pagbibigay ng tulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nais magpalawak ng kanilang karunungan at mga nais matuto ng iba't ibang bagay. Katunayan, isa sa mga Espirituwal na Gawa ng Awa ay ang pagtuturo sa mga kapos sa kaalaman. Isa itong pamamaraan ng pagtulong sa kapwa. Ang bawat tao'y tinutulungang makapulot ng mga aral na napakahalaga at para sa kanilang ikabubuti sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Isang pamamaraan na makakatulong sa pagtuturo sa kanila ay ang pagbibigay ng paliwanag. 

Kung paanong ang mga panauhin sa mga Pagbasa, lalung-lalo na si Hesus sa Ebanghelyo, ay nagbigay ng tulong sa kanilang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagtuturo, hinahamon tayong tulungan ang ating kapwa na kapos sa kaalaman na makapulot ng mga aral na napakahalaga at para sa kanilang ikabubuti. Hinahamon tayong ibahagi ang ating kaalaman tungkol sa ating pananampalataya. At sa pagbabahagi ng ating kaalaman sa kapwa tungkol sa ating pananampalataya kay Kristo, napakahalaga na magbigay tayo ng mga paliwanag upang lalo nilang maunawaan ang ating ipinapalaganap sa kanila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento