Sabado, Enero 13, 2018

IALAY ANG SARILI PARA SA KATUPARAN NG KALOOBAN NG DIYOS

14 Enero 2018 
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Samuel 3, 3b-10. 19/Salmo 39/1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20/Juan 1, 35-42 


Ang temang nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa ngayong Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon - ang tema ng pag-aalay ng sarili sa kalooban ng Diyos - ay ibinunyag ng mang-aawit ng Salmo Responsorio. Wika ng mang-aawit ng Salmo, "Handa akong naririto upang sundin ang loob Mo." Inihayag ng mang-aawit sa pamamagitan ng mga katagang ito ang kanyang paghahangad na paglingkuran ang Diyos. Sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng pahintulot na maging instrumento ng Diyos, siya'y nagbibigay ng higit na kadakilaan sa Diyos. Tunay ngang ito ang ginagawa ng bawat lingkod ng Diyos. Ang bawat lingkod ng Diyos ay kusang tumatalima at tumutupad sa Kanyang kalooban nang buong puso't kaluluwa. Sa pamamagitan nito'y lalo nilang binibigyan ng kadakilaan at karangalan ang Diyos. 

Ito ang nilalaman ng habilin ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Wika niya sa pagtatapos ng Ikalawang Pagbasa, "Gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos." (6, 20) Ang habiling ito ni Apostol San Pablo ay hindi lamang para sa mga taga-Corinto; ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano, mga nananalig at sumusunod kay Kristo nang buong puso't kaluluwa. Mapapatunayan ng bawat isa ang kanilang pagiging tunay na Kristiyano sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili sa Diyos upang matupad ang Kanyang kalooban, inihahayag ng bawat Kristiyano ang kanilang hangaring lalo pang mabigyan ng karangalan at kadakilaan ang Diyos. Sapagkat ang tunay na Kristiyano ay naghahangad na lalo pang mabigyan ng karangalan at kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng salita't gawa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Samuel ay hinirang ng Diyos. Ang batang si Samuel ay tatlong ulit na tinawag ng Diyos. Subalit, inakala ni Samuel noong una na siya'y tinatawag ni Eli. Naisip na lamang ni Eli na ang batang si Samuel ay tinatawag ng Diyos noong ang bata'y lumapit sa kanya sa ikatlong pagkakataon. Kaya, sinabihan ni Eli si Samuel na sumagot nang ganito kapag muli siyang tinawag sa ganitong pamamaraan, "Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod." (3, 9) Gayon nga ang ginawa ni Samuel. At mula noon, inialay ni Samuel ang kanyang sarili sa Diyos. Hinayaan niyang magamit siya ng Diyos bilang Kanyang instrumento para sa katuparan ng Kanyang kalooban. Tinanggap at tinupad ni Samuel ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos bilang Kanyang propetang hinirang at isinugo sa bayang Israel. Sa pamamaraang ito'y binigyan ni Samuel ng higit na kaluwalhatian ang Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay itinuro't ipinakilala ni San Juan Bautista sa dalawa sa kanyang mga alagad bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Inihayag ni Juan Bautista ang misyon ni Hesus. Ibububo ni Hesus ang Kanyang Dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Kung paanong ang isang maamong tupa, kordero, ay iniaalay ng mga saserdote sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan, gayon din naman, iniaalay ng Dakilang Saserdote na si Hesus ang Kanyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Kaya nga, si Hesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan at ang Dakilang Saserdote. Inihain ng Dakilang Saserdote na si Hesus ang Korderong walang kapintasan, ang Kanyang sarili, alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Niloob ng Ama na ibubo ni Hesus ang Kanyang sariling Dugo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ni Hesus ng Kanyang sariling Dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan ng sangkatauhan, natupad ang kalooban ng Diyos na matubos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito'y namalas ang pag-ibig at habag ng Diyos para sa sangkatauhan na tunay ngang dakila at walang kapantay. Namalas ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kadakilaan ng Diyos na nagliligtas dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote at Kordero ng Diyos na si Kristo Hesus. 

Si Hesus, si Samuel, si Apostol San Pablo, ang Mahal na Birheng Maria, si San Jose, at ang lahat ng mga banal ay mga tunay na huwaran ng pag-aalay ng sarili para sa katuparan ng kalooban ng Diyos. Ang halimbawang ibinigay sa atin ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at lahat ng mga banal ay dapat nating tularan. Kung tunay tayong mga Kristiyano, iaaalay natin ang ating mga sarili sa Diyos upang matupad ang Kanyang kalooban. Sapagkat ang tanging hangarin ng mga tunay na Kristiyano ay ang lalong ikadarakila ng Diyos. Ang pagnanais na ito'y inihahayag sa pamamagitan ng pagtalima't pagtanggap sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob upang ito'y magkaroon ng kaganapan at katuparan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento