Linggo, Enero 7, 2018

PAGHAHAYAG NG KAGANDAHANG-LOOB

8 Enero 2018 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B) 
Isaias 55, 1-11 (o kaya: Isaias 42, 1-4. 6-7)/Isaias 12 (o kaya: Salmo 28)/1 Juan 5, 1-9 (o kaya: Mga Gawa 10, 34-38)/Marcos 1, 7-11 


Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang Kanyang kagandahang-loob sa lahat ng tao. Inaanyayahan at tinatawag ng Diyos ang lahat ng tao na lumapit sa Kanya upang makasumpong sila ng tunay na pagkain at inumin. Ang napakasarap na pagkai't inuming inaalok ng Diyos sa lahat ay hindi katulad ng pagkai't inuming inaalok at ibinibigay ng sanlibutan. Kung ang mga pagkai't inuming inaalok ng sanlibutan ay pansamantala lamang nakakapawi ng kagutuman at kauuhawan, ang mga pagkai't inuming inaalok at ibinabahagi ng Diyos ay tunay na nakakapawi ng kagutuman at kauuhawan. Sa pamamagitan nito'y inihayag na ang Diyos ay tunay na mahabagin at nagmamagandang-loob. Ang mga salitang ito na namutawi mula sa mga labi ng Panginoon ay nagpapatunay ng Kanyang habag at kagandahang-loob para sa sangkatauhan.

Sa Bagong Tipan, inihayag ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Marcos kung paanong si Hesus ay bininyagan ni San Juan Bautista sa Ilog-Jordan at kung paano Siyang ipinakilala ng Amang nasa langit sa lahat ng tao. Nang Siya'y umahon mula sa tubig, bumaba ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati at Siya'y ipinakilala ng Ama bilang Kanyang Bugtong na Anak na lubos Niyang kinalulugdan. Si Hesus ay ipinakilala sa lahat bilang Anak ng Diyos na magdudulot ng kaligtasan sa lahat. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Sa pamamagitan ni Hesus, nahayag ang mahiwagang planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. 

Ang paksang ito ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat. Si Hesukristo, na bininyagan sa tubig ng Ilog-Jordan ni Juan Bautista, ay nagbubo ng Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ng Dugo ni Kristo, nahayag at namalas ang planong pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ang planong pagligtas ng Diyos, na nagpapatunay ng Kanyang pag-ibig at pagkalinga sa sangkatauhan, ay Kanyang isinakatuparan at ipinamalas sa  pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristong Panginoon at Manunubos. 

Maaaring pagpasiyahan ng Diyos na dedmahin ang sangkatauhan. Maaari Niyang ihayag na wala Siyang pakialam sa sangkatauhan. Maaari Niyang piliin na pabayaan, hayaan na lamang magdusa't mapahamak ang lahat ng tao. Subalit, pinili ng Diyos na ibahagi't ipadama sa lahat ng tao ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Kahit na hindi tayo karapat-dapat makinabang sa Kanyang habag at kagandahang-loob dahil sa dami ng ating mga pagkakasala laban sa Kanya, ito'y ipinadama pa rin sa atin ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin bilang Diyos na may malasakit para sa lahat. 

Sa pamamagitan ng pagbaba mula sa langit at pagkakatawang-tao't pamumuhay sa lupa bilang tao katulad natin, inihayag ni Hesus ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit Siya'y pumanaog sa sanlibutan at nagkatawang-tao. Si Hesus ay pumarito upang ipalaganap ang Kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Hesus, tayong lahat ay Kanyang tinubos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento