2 Pebrero 2018
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32)
Ang Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo ay isang napakahalagang kabanata sa salaysay ng pagtubos ng Diyos. Inilahad ni San Lucas sa kanyang pagsasalaysay tungkol sa kaganapang ito sa Mabuting Balita ang dahilan kung bakit. Noong dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ang Sanggol na Hesus sa Templo upang iharap sa Diyos, nahayag at natupad ang pangako ng Diyos sa Kanyang bayan. Dumating na rin sa wakas ang Panginoong magliligtas sa Kanyang bayan. Isang napakatandang lalaki na ang pangala'y Simeon ay pinalad na makasaksi sa pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao bago siya pumanaw. Nakita't nahawakan ni Simeon ang Anak ng Diyos na Siya ring Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na naging tao upang iligtas ang sangkatauhan.
Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias sa Unang Pagbasa na darating Siya sa Kanyang templo. Sa pamamagitan ng pahayag na ito, ang Diyos ay nagbitiw ng pangako sa Kanyang bayan. Ipinangako ng Diyos na nalalapit na ang Kanyang pagdating. Malapit nang dumating ang Panginoon upang tubusin ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito'y tinupad sa pamamagitan ng pagdating ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan Niya, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang iligtas ang Kanyang bayan.
Sa Ikalawang Pagbasa, inilahad ang dahilan kung bakit ang Diyos ay pumanaog sa lupa't nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tubusin at palayin ang lahat ng tao mula sa mga tanikala ng kasalanan at kamatayan. Ang mga dating alipin ng kasamaan at kamatayan ay iniligtas at pinalaya na ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ipinasiya ng Diyos na akuin ang pananagutan bilang Dakilang Saserdote sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. At bilang Dakilang Saserdote, inialay ni Hesus ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Ang pag-aalay ng sarili ng Dakilang Saserdote na si Hesukristo ang pinakadakilang hain na hinding-hindi mapapantayan. Walang makahihigit sa hain ng Dakilang Saserdote. Sapagkat sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ng Dakilang Saserdote na si Hesus, nagkaroon ng kapatawaran para sa lahat ng mga kasalanan at kaligtasan para sa sangkatauhan.
Ang dakilang planong ito ng Diyos ay pinatotohanan ni Simeon sa kanyang kantikulo na narinig sa salaysay ng Pagdadala sa Sanggol na Hesus sa Templo sa Ebanghelyo ni San Lucas. Nagpatotoo si Simeon tungkol sa pagliligtas ng Diyos na matutupad sa pamamagitan ng Banal na Sanggol. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, mahahayag ang planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Matutupad ang pangakong pagliligtas ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ang Dakilang Saserdote. Ang hain ng Dakilang Saserdoteng si Hesus ay walang kapintasan at walang kapantay sapagkat inihain Niya ang Kanyang sariling laman at dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at kaligtasan ng sangkatauhan.
Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, inihayag ni Hesus ang dakilang plano ng Diyos. Ang planong ito ng Diyos ay ang Kanyang planong pagliligtas sa sangkatauhan. Ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit at akuin ang ating pagkatao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Bilang Mesiyas at Manunubos natin, ibinubo ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang Kanyang sariling laman at dugo para sa ating kaligtasan. Ipinangako ng Diyos na ang planong ito'y matutupad pagdating ng panahon. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako, ang Kanyang planong pagliligtas sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento