Sabado, Pebrero 3, 2018

ANO ANG KANYANG PAKAY?

4 Pebrero 2018
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39 


Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto ang kanyang tungkulin bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Iniatasan siya ng Panginoon na ipangaral ang Kanyang Mabuting Balita sa lahat ng mga Hentil. Kahit na dati-rati'y inuusig niya ang mga tagasunod ni Kristo, ipinagkatiwala pa rin sa kanya ng Panginoon ang pananagutan ng pangangaral tungkol sa Ebanghelyo sa lahat ng dako. Kaya nga Siyang nagpakita kay Apostol San Pablo sa daang patungong Damasco upang baguhin ang kanyang buhay. Mula sa kanyang madilim na nakaraan bilang tagausig ng mga Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging misyonero ni Kristo sa mga Hentil. 

Tungkol saan naman ang Ebanghelyong pinapatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostoles? Ang Ebanghelyo o Mabuting Balitang ipinapangaral at pinatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostol sa lahat ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Kristo, ang pagpapala ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ay inihayag at ibinahagi sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang isang bahagi ng buhay ng Panginoong Hesus - ang Kanyang ministeryo. Ang ministeryo ni Hesus ay binubuo ng Kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at ng mga himalang Kanyang ginawa tulad ng pagpapagaling sa mga may karamdaman. Maraming pinagaling si Hesus sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, tulad ng biyenan ni Apostol San Pedro sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita, ibinunyag ni Hesus ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang pagpapala't kagiliwan ng Diyos sa sangkatauhan na nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan sa lahat ng tao. Ginawa ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Ito'y nasaksihan ng lahat sa Kanyang ministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal. 

Hindi kinailangan ni Hesus na pumanaog sa lupa upang tayo'y iligtas. Maaari naman Niyang pabayaan tayong magdusa. Maaari naman Niyang pabayaan tayong alipinin ng mga pwersa ng kasamaan at kadiliman. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa ating lahat, ipinasiya Niyang hubarin ang Kanyang pagka-Diyos at yakapin ang ating pagkatao upang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Ipinasiya Niyang ilantad ang Kanyang sarili sa mga pagtitiis at kahirapan ng buhay dito sa lupa, tulad ng inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa, para tubusin at palayin tayo mula sa pang-aalipin ng mga pwersa ng kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niya na Siya'y hindi nalalayo sa atin. Bagkus, pinatunayan ni Hesus na Siya, ang ating Panginoon at Diyos na tumutubos, ay tunay na mapagmahal at mapagkalinga sa ating lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay dumating sa lupa upang ihayag ang mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Noong Siya'y nagmiministeryo, Siya'y nangaral at gumawa ng maraming himala. Nangaral Siya tungkol sa kaharian ng Diyos sa lahat. Gumawa rin Siya ng maraming milagro tulad ng pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyong sumasapi sa bawat tao upang ipakita ang kapangyarihan ng pag-ibig at habag ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Nang dumating ang takdang panahon, inialay Niya ang pinakadakilang sakripisyo. Inialay Niya ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng mga winika't ginawa ni Hesus na nasaksihan sa Kanyang pagmiministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal, ipinarating at ipinalaganap Niya ang liwanag ng mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento