11 Pebrero 2018
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45
Ang konteksto ng salaysay sa Ebanghelyo ngayon ay ibinigay ng Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos kina Moises at Aaron ang batas hinggil sa mga taong may ketong. Kung saka-sakaling magkaroon ng ketong ang isang tao noong kapanahunang yaon, tutungo muna siya sa isa sa mga saserdote para magpatingin sa kanila. Sila lamang ang mga tanging makakapagpapatunay kung mayroon ba silang ketong o hindi. Kapag napatunayang may ketong nga ang taong iyon, ihihiwalay siya sa lipunan, lalung-lalo na sa kanilang mga mahal sa buhay. Sila'y mamumuhay nang mag-isa sa isang napakalayong lugar. Kapag may dumaan sa kanilang kinaroroonan, sisigaw sila ng "Marumi! Marumi!" bilang babala.
Isang nakakahawang sakit ang ketong. Dahil nakakahawa ang sakit na ito, inilalayo ang mga taong may ketong sa lipunan. Tinataboy sila mula sa kanilang lipunan. Natatakot ang mga taong mahawa sa kanilang sakit. Ayaw nilang mahawa sa kanilang sakit. Kaya naman, upang hindi mahawa ang ibang tao, isinasantabi ang mga ketongin mula sa lipunang kanilang kinabibilangan kapag napatunayan ng isang saserdote na mayroon nga silang ketong.
Masakit para sa mga ketongin ang maisantabi ng kanilang lipunan. Inihihiwalay sila mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Nais nilang makapiling ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, kapatid, kapanalig. Hindi nila iyon magagawa dahil sa sakit sa kanilang mga balat. Sa bawat araw ng kanilang pag-iisa, hinahangad nila na darating na rin sa wakas ang araw kung kailan sila tuluyang gagaling mula sa kanilang ketong. Iyan ang tangi nilang hinihiling sa Diyos sa kanilang pananalangin - malinis ang kanilang mga balat mula sa kanilang ketong upang makapiling na rin nila sa wakas ang kanilang mga mahal sa buhay matapos ang napakahabang panahon ng pagkakahiwalay at kalungkutan dahil sa kanilang pag-iisa.
Noong pinagaling ng Panginoong Hesus ang ketongin sa Ebanghelyo, nakita Niya sa mga mata ng ketongin ang tanging ninanais niya. Nais ng ketonging na buong puso't pananalig na nanikluhod at nagmakaawa kay Hesus na makapiling ang kanyang mga minamahal sa buhay, mga malalapit sa kanyang puso. Maraming sandali sa kanyang buhay ang nasayang, ninakaw, dahil sa sakit sa kanyang balat na nakakahawa. Ang puso niya'y labis na nasugatan dahil sa mga ninakaw na sandali sa kanyang buhay. Kung hindi dahil sa sakit na ito, kasama niya ngayon nang buong tuwa't saya ang kanyang mga mahal sa buhay.
Kaya naman, noong makita ng ketonging ito si Hesus, nakita ng ketonging ito ang makakapagpapalaya sa kanya mula sa kanyang pagdurusa. Nakita ng ketonging ito kay Hesus ang tanging makapagtutupad sa kanyang kahilingan. Nakita niya kay Hesus ang pag-asang kanyang inaasam. Kaya nga, sumamo ng ganito kay Hesus ang ketongin, "Panginoon, kung iniibig po Ninyo'y mapapagaling Ninyo ako." (1, 40) Nanalig ang ketongin sa kapangyarihan ni Hesus. Kaya naman, buong puso't pananalig niyang hiniling kay Hesus na tuparin ang kanyang hinahangad. Dahil sa habag ni Hesus, gumaling ang ketongin mula sa kanyang sakit. Pagkatapos ng mahabang panahon, naging malinis at makutis muli ang balat ng ketongin dahil sa Panginoong Diyos mahabagin at nagmamagandang-loob na si Kristo Hesus.
Ang hamon ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa ay hindi lamang para sa mga taga-Corinto; ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano - tularan si Kristo. Ano ang halimbawang ipinakita ni Kristo na dapat tularan? Maging mahabagin sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad at mga itinataboy ng lipunan. Kahit na hindi ito madali para sa atin dahil tayo'y mga makasalanan, dapat natin itong sikapin at gawin. Kung paanong si Kristo ay nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, gayon din naman, dapat tayong magpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Sa pamamagitan nito'y ibinabahagi natin sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang habag at kagandahang-loob, binibigyan natin Siya ng karangalan.
Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong misyon. Ibahagi natin sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Ang Panginoon ang unang nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, lalung-lalo na sa mga kapatid nating kapus-palad at mga isinasantabi ng lipunan. Kaya naman, kung tunay ngang tayo'y nasa panig ng Panginoon, tutularan natinang halimbawang Kanyang ipinakita. Ihayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang ating pananampalataya kay Kristo. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Kanyang halimbawa, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita at mga tinataboy ng lipunan, tayo'y nagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos. Ang gawaing iyan, ang ating pagsisikap sa pagtutulad sa halimbawang Kanyang ipinakita, ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang panigin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento