28 Marso 2018
Miyerkules Santo
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25
Isang kabalintunaan ang isinalaysay sa Ebanghelyo. Si Hudas Iskariote ay nakipagpulong at nakipagnegosasyon sa mga kaaway ni Hesus, ang Sanedrin, nang palihim. Si Hudas ay palihim na nakipagkasundo sa Sanedrin na ipagkakanulo niya sa kanila si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Walang sinuman ang nakababatid o nakakaalam na si Hudas ay nakipagkita at nakipagsabwatan sa mga kaaway ng Panginoon nang palihim. Kung tinanong ang isa sa mga apostoles kung saan pumunta si Hudas, tiyak na hindi nila alam kung saan siya pumunta.
Subalit, kahit na naging palihim ang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam Panginoon na nangyari iyon. Alam ni Hesus na si Hudas Iskariote, isa sa labindalawang disipulo at matalik niyang kaibigan, ang tatalikod at tataksil sa Kanya upang makipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway. Ito ay Kanyang inihayag habang Siya'y nakisalo sa Kanyang mga alagad sa hapag. Kahit naging palihim iyon, nalalaman ni Hesus kung ano ang pinag-usapan at pinagkasunduan nina Hudas at ng Sanedrin sa pagpupulong na iyon. Nalalaman ni Hesus na nakipagkasundo si Hudas sa Kanyang mga kaaway na ibenta't ipagkanulo Siya sa halagang tatlumpung pirasong pilak.
Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya iyon malilihim kay Hesus. Hindi nakatulong ang kanyang pananatiling tahimik o ang pagiging plastik habang kasalo ang Panginoon at ang iba pang mga alagad. Nalaman ng Panginoong Hesus ang balak ni Hudas, kahit walang nagbalita niyon sa Kanya. Batid ng Panginoong Hesus ang lahat ng lihim tungkol sa bawat tao. Nababatid ng Panginoon ang tunay na nilalaman ng puso't kalooban ng bawat tao.
Napakasakit para kay Hesus na malaman ang balak ni Hudas. Matapos silang maging magkaibigan sa loob ng tatlong taon, itatapon ni Hudas ang lahat ng alaala ng kanilang samahan. Hindi na pinahalagahan ni Hudas ang kanilang samahan at pagkakaibigan. Nasilaw siya sa mga kayamanan ng mundo. Sinayang lamang ang kanilang pagkakaibigan. Labis na nasaktan si Hesus sapagkat pinahalagahan Niya ang bawat alaala ng kanilang samahan at pagkakaibigan na nagtagal nang tatlong taon. Pagkatapos ng mahabang panahon ng kanilang pagsasama bilang magkaibigan, bigla na lang makikipagtulungan si Hudas sa mga taong inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa - ang mga kaaway ni Hesus na walang ibang nais gawin sa Kanya kundi laitin, dumura, gulpihin, at patayin. At iyon ay labis na ikinalungkot at ikinadismaya ni Hesus.
Ang ating mga binabalak at ninanais ay hindi nalalaman ng ibang tao kapag hindi natin ito ipinapakita sa pamamagitan ng salita o gawa. Kadalasan nating iniisip na ito'y mananatiling lihim. Walang sinuman ang makakaalam sa ating mga nililihim. Subalit, mayroong nakakabatid sa lahat ng ating mga lihim. Batid ng Diyos kung ano ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan. Ang mga lihim natin, ang mga binabalak natin, ay tunay Niyang nababatid. Ano kaya ang mararamdaman ng Diyos sa tuwing minamasid Niya ang ating mga puso't isipan? Ano kaya ang Kanyang nararamdaman sa tuwing nakikita Niya ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan? Matutuwa ba Siya o malulungkot at masasaktan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento