Lunes, Pebrero 26, 2018

ANG KAHALAGAHAN NG KABABAANG-LOOB

27 Marso 2018 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Wika ng bayang Israel sa Unang Pagbasa, "Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas." (49, 4) Buong kababaang-loob na inamin ng bayang Israel ang kabiguan nito sa kanilang pagsisikap sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ang bayang Israel ay hinirang ng Diyos upang maging Kanyang instrumento. Mahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng bayang Israel. Mula sa sambayanan ng Israel tatanglaw sa lahat ng mga bansa ang kadakilaan ng Diyos. Sa sambayanan ng Israel magmumula ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, ang tunay na kaliwanagan mula sa kalangitan; ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Kahit na matigas na sinabi ni Pedro na hindi niya gagawin iyon, alam ng Panginoon ang tunay na mangyayari. Alam ng Panginoong Hesukristo na nagmamayabang lamang si Apostol San Pedro noong namutawi ang mga salitang iyon mula sa kanyang mga labi. Batid ng Panginoon na dahil sa takot, tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro para lamang ipagtanggol ang kanyang sarili. Batid ng Panginoong Hesus na pawang kayabangan lamang ang nag-udyok kay Apostol San Pedro na sabihin iyon. 

Bilang tao, mayroon tayong mga kahinaan. Batid ng Panginoon ang katotohanang iyon. Batid rin natin ang katotohanang iyon. Hindi natin maitatago mula sa Panginoon ang ating mga kahinaan. Hindi natin matatakasan ang katotohanang ito tungkol sa ating mga sarili bilang tao. Kung maaari natin iyon gawin sa ating kapwa-tao, hindi natin iyon magagawa sa Panginoon. Walang lihim na hindi nalalaman ng Panginoon. Batid ng Panginoon ang mga lihim. Batid ng Panginoon ang ating mga karupukan bilang tao. 

Kaya, huwag tayong matakot na lumapit sa Panginoon at hingin ang Kanyang tulong. Huwag tayong matakot na aminin nang buong kababaang-loob ang ating mga kahinaan at hingin ang Kanyang tulong. Hindi tatanggihan ng Diyos ang mga lumalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang tulong. Hindi Niya tatanggihan ang pagsusumamo ng mga umaamin ng kanyang mga karupukan at kasalanan nang buong kababaang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga taong nagpapakita ng taos-pusong kababaang-loob. Ipinapakita ng mga taong may kababaan ng loob na ang Diyos lamang ang tanging pag-asa nila. Ipinapakita nila na kailangan nila ang Diyos sapagkat hindi nila kakayanin ang mga ito nang mag-isa. At iyon ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento