Biyernes, Pebrero 23, 2018

ANG KADAKILAAN NG PAG-IBIG NG DIYOS

18 Marso 2018 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33


"Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami." (Juan 12, 24) Ito ang mga katagang namutawi mula sa mga labi ni Hesus matapos ibalita sa Kanya nina Andres at Felipe na may ilang mga Griegong nais makakita't makarinig sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus kung ano ang Kanyang pagdadaanan. Inilarawan ni Hesus na dadanas Siya ng matinding pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Siya'y papatayin nila ngunit hindi magtatagal at Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. 

Inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ay magkakarugtong. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Malaki ang ugnayan ng dalawang ito sa buhay at misyon ni Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Kung iiwasan at tatakasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus, hindi Niya makakamit ang maluwalhating tagumpay ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kung wala ang krus, walang Muling Pagkabuhay. Hindi makukumpleto o mabubuo ang misyon ng Panginoong Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas kung wala ang dalawang aspetong ito. 

Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus ay magtiis ng maraming hirap at kamatayan sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Ama na masilaya't masaksihan mula sa kalangitan ang pagdurusa't kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak sa krus, hindi Niya tinutulan o pigilan iyon. Niloob Niya itong mangyari upang maligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Anak. At ang paghahandog ni Kristo ng buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay kinalugdan at tinanggap ng Diyos.

Batid ni Hesus ang matinding hirap at pagdurusang kailangan Niyang danasin upang iligtas ang sangkatauhan. Batid Niya ang karumal-dumal at napakasakit na pagdurusang kailangan Niyang pagdaanan sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na Siya'y dumalangin at sumamo sa Diyos. Subalit, hindi tinakasan ni Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus. Hinarap Niya ito bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Buong kababaang-loob Niyang ibinubo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo upang iligtas ang sangkatauhan. Ang sangkatauhan ay iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagiging masunurin ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama. Natupad ang dakilang plano ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng buong pananalig at kababaang-loob na pagtalima ng Panginoong Hesukristo. 

Sa pamamagitan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama, inihayag ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na gumawa ng isang Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na hinding-hindi mababali kailanman. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ni Hesus na minsang nag-alay ng Kanyang buhay sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipinangako ng Diyos sa Unang Pagbasa na Siya'y gagawa ng isang bagong tipan sa pagitan Niya at ng Kanyang bayan. Ang pangakong ito'y natupad sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus na sumasagisag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan, ang sangkatauhan ay ganap nang iniligtas at pinalaya mula sa mga pwersa ng kadiliman at kasamaan. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay ngang dakila. Hindi naman Niya kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa ating lahat. Hindi Niya kinailangang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Subalit, ipinasiya ng Diyos na tuparin ang Kanyang planong pagtubos sa lahat ng tao dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gumawa ng Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Kristo na sumasaigsag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao, ang sangkatauhan ay Kanyang iniligtas. Sa ganitong pamamaraan inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento