Huwebes, Pebrero 22, 2018

PANGUNAHING MENSAHE NG MABUTING BALITA

11 Marso 2018 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Sa Ebanghelyo, itinampok ang pinakapopular na talata sa Banal na Bibliya. Sa talatang ito nilagom ang Mabuting Balita. Matatagpuan sa talatang ito ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Sa talatang ito inilarawan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristong Panginoon at Tagapagligtas. Sa talatang ito'y inihayag na pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Iyan ang pinakamaikling bersyon ng Mabuting Balita. 

Ang pag-ibig ng Diyos ang paksa ng patotoo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso (2, 4-10). Katulad ng kanyang mga kapwa-apostol at misyonero, itinuro ni Apostol San Pablo sa lahat ng tao mula sa iba't ibang dako ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Hesus. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo upang tubusin ang sangkatauhan. Ito ang pinakadakilang gawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay. 

Kahit na hindi tayo karapat-dapat maranasan ang dakilang pag-ibig ng Diyos dahil sa ating mga pagkakasala laban sa Kanya, ipinamalas at ibinahagi pa rin Niya ito sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, hindi nauubusan ng pagmamahal ang Diyos para sa ating lahat. Patuloy pa rin tayong iniibig at kinakalinga ng Panginoon sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Nagagalit Siya kapag tayo'y nagkakasala, subalit hindi iyon nangangahuluga'y hindi na Niya tayo iniibig. Ang kasalanan ay Kanyang kinasusuklaman, hindi ang nagkasala. Kahit pagsama-samahin ang mga kasalanan ng sangkatauhan, hindi mapapantayan ng mga ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang kapantay. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. 

Buhat pa sa pagsimula ng panahon, walang ibang ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob. Kahit nalugmok ang sangkatauhan sa kasalanan dahil sa pagsuway nina Eba't Adan sa utos ng Diyos, patuloy pa rin Niyang ipinapakita't ipinapadama ang Kanyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. Tulad ng salaysay sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay sa Kanyang bayang natapon sa Babilonia. Ang mga Israelita'y itinapon sa Babilonia dahil sa kabigatan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Diyos. Subalit, kahit na ginalit nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya, hindi naglaho ang pag-ibig ng Diyos. Ipinangako Niya sa pamamagitan ni propeta Jeremias na pagkatapos ng pitumpung taon, makakabalik muli nang malaya ang mga Israelita sa kanilang bayan. 

Subalit, sa lahat ng mga ginawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang dakilang pag-ibig, walang makahihigit pa sa Kanyang kusang pagbibigay ng sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) upang ihayag ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos ng lahat ng tao. Bilang Mesiyas at Manunubos, inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan para sa sangkatauhan. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita na ipinapangaral at pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento