Biyernes, Agosto 23, 2019

HINDI GANOONG KADALI

25 Agosto 2019 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 


Diretsong nagsalita ang Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Hindi Siya nagpaligoy-ligoy pa. Bagkus, diretsyahang inihayag ni Hesus ang aral na nais Niyang iparating. At ang aral na ito na inihayag ng diretso ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi mahirap unawain. Napakadali lamang ito unawain, kung tutuusin. Iyon nga lamang, ito'y nakakatakot at nakakalungkot. Mahirap itong tanggapin. 

Ano ang aral na ito ng Panginoong Hesukristo? Hindi lahat ng naglalakbay dito sa daigdig ay makakapasok sa langit. Hindi naman ibig sabihin noon na ang langit ay eksklusibo lamang para sa mga piling tao. Bagkus, ang lahat ng mga naglalakbay sa lupa ay may pagkakataong makapasok sa langit. Binibigyan ng Diyos ang bawat isa ng pagkakataon na makapasok sa langit. Habang namumuhay at naglalakbay ang bawat tao sa daigdig, patuloy silang binibigyan ng pagkakataon ng Panginoon na tanggapin ang Kanyang paanyayang Siya'y makasama at makapiling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman pagdating ng huling sandali ng kanilang buhay sa daigdig. Sadyang may mga hindi tumatanggap sa paanyayang ito. 

Paano nating malalaman kung tinanggap natin ang paanyayang ito? Sinagot rin ito ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sabi Niya, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan" (13, 24). Ibig sabihin, makipot ang pintuan o daan patungong langit. Kung nais nating pumasok sa langit, kailangan nating bitawan ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Ang lahat ng mga pag-aari natin dito sa daigdig ay hindi natin madadala sa langit. Kailangan nating gumawa ng sakripisyo kung hangad nating pumasok sa langit. Dapat handa tayong bumitaw sa mga bagay-bagay na nauukol sa daigdig na ito. May mga sakripisyong kapalit ang pagpasok sa langit. 

Iyan ang dahilan kung bakit ang mga propetang katulad ni propeta Isaias ay pinili't hinirang upang magsalita sa bayang Israel sa Ngalan ng Diyos noong panahon ng Lumang Tipan. Ito rin ang kadahilanan kung bakit ang mga apostol at misyonero ay naglakbay nang napakalayo upang magpatotoo tungkol kay Hesukristo saan man sila pumunta. Iyan ang misyong ibinigay ng Panginoon sa mga propeta sa Lumang Tipan at sa mga apostol sa Bagong Tipan. Sa pamamagitan ng kanilang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon, tinutulungan nila ang lahat ng tao na pumasok sa makipot na pintuan Kapag pinagsikapan nilang pumasok sa makipot na pintuang yaon, inihahayag nila ang kanilang pagpili at pagpanig sa Diyos. Ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang matatamasa pagdating ng takdang oras ng kanilang paglisan sa daigdig na ito kapag Siya ang kanilang pinili at pinanigan nang buong katapatan hanggang wakas. 

Subalit, nakakalungkot, hindi lahat ay pipili at papanig sa Diyos. At batid ng Diyos kung sino ang mga hindi pipili at papanig sa Kanya. Iyan ang Kanyang tinukoy sa pambungad ng Unang Pagbasa noong sinabi Niyang talastas Niya kung ano ang mga iniisip at ginagawa ng bawat tao. Kayang ilihim ng tao ang kanilang mga iniisip at ginagawa sa iba. Subalit, hindi nila kayang ilihim iyon sa Diyos. Batid Niya ang lahat ng bagay. Walang maililihim o maitatago sa Kanya. Iyan ang ipinahiwatig sa Ikalawang Pagbasa noong sinabihan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang kanyang mga tagatangkilik na manatiling matatag sa mga oras ng pag-uusig. Ano ang dahilan kung bakit sila inuusig noong kapanahunang yaon? Ang kanilang pananalig at pananampalataya. Ang kanilang pagpili sa Diyos. Sila'y inuusig dahil sa kanilang ugnayan sa Diyos. At batid iyan ng Panginoon. Batid Niya na may hindi tatanggap sa Kanya. Dahil sa hindi nila pagtanggap at pagpanig sa Diyos, pinili nilang usigin ang mga nagpasiyang manalig at sumampalataya sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa kanilang huling hininga. 

Nakakalungkot ring isipin na inuusig pa rin ang mga pumili at pumanig sa Diyos sa kasalukuyang panahon. Inuusig sila dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Inuusig sila dahil sa kanilang tapat na pananalig at pananampalataya sa Diyos. Ano naman ang dahilan kung bakit pinili nilang usigin ang mga tapat na lingkod ng Panginoon na buong katapatang nananalig at sumasampalataya sa Kanya? Sa mata ng mga tagausig, ang mga pumapanig sa Diyos ay sagabal sa kanilang mga plano. Plano ng mga tagausig na pairalin ang kultura ng pagkamakasarili, pagmamataas, pang-aapi sa mga mahihirap, katiwalian, panlilinlang, pagnanakaw, at pagpatay. Ang planong ito na balak nilang isulong ay nilalabanan ng mga nasa panig ni Hesus. Sila'y naninindigan laban sa katiwalian, pagnanakaw, panlilinlang, pagpatay, at iba pang mga masasamang gawain. Sa kagustuhan ng mga tagausig na pairalin ang mga plano nilang hindi nakakabuti sa lipunan, inuusig nila ang mga tapat na lingkod at saksi ni Kristo. Pinipilit nilang patahimikin ang mga nananalig at sumasampalataya kay Kristo nang buong katapatan sa Kanya upang maisulong nila ang kanilang mga plano. Pero, hindi nila mapatahimik ang mga pumipili at pumapanig kay Kristo dahil mulat sila sa katotohanang labag sa mga utos at aral ng Diyos ang kanilang mga masasamang binabalak. 

Bakit gusto nilang ipalaganap ang kultura ng katiwalian, pagnanakaw, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay? Kasakiman. Ang kanilang hangaring pairalin sa lipunan ang katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay ay bunga ng kasakiman. Dahil dito, sila'y nasilaw sa kayamanan at kapangyarihan sa daigdig na ito na maglalaho rin naman pagdating ng panahon. Kasakiman ang pumupukaw sa kanila na pairalin ang kultura kung saan umiiral ang katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay. Kasakiman rin ang nagbunsod sa kanila na piliin ang kayamanan at kapangyarihan sa daigdig na ito. Sa halip na piliin ang Panginoon, pinili nilang gawing mga diyus-diyusan ang pera at kapangyarihang pansamantala lamang nilang tataglayin sa lupa. Ipinagpalit nila ang Diyos sa kamunduhan. 

Ang masaklap pa diyan, iniisip ng mga umuusig sa mga tapat na lingkod ng Diyos na sila ang nasa panig ng katuwiran. Iniisip nila na ang pananamantala, pang-aapi, panlilinlang, pagnanakaw, pagpatay, at iba pang mga gawaing pawang masasama ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iniisip nila na makakapasok sila sa langit dahil sa kanilang mga ginawa. Kung sino pa ang mga nang-abuso at nang-api, sila pa ang gagantimpalaan. Inaakala nilang masusuhulan nila ang Panginoon. Inaakala nilang mabibili nila ang langit. Nagkamali sila ng akala sapagkat ang Diyos ay hindi tumatanggap ng mga suhol. 

Kaya naman, ang mga sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ay nagsisilbing babala sa lahat ng mga gahaman sa daigdig na ito. Ang mga pang-aapi at pang-aabuso na kanilang ginawa habang namumuhay at naglalakbay sila sa lupa ay hindi nila magagawa sa langit. Ang mga kayamanang kanilang nakamit dahil sa kanilang pananamantala ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap, ay hindi nila madadala sa langit. Hindi nila masusuhulan ang Panginoon na papasukin sila sa langit dala-dala ang mga yaon na galing sa katiwalian dahil hindi Siya tumatanggap ng mga suhol. Mabibigo lamang sila kapag sinubukan nila. Matatapos ang lahat ng kabaluktutan at katiwaliang pinaiiral nila noong sila'y namuhay sa daigdig na ito kapag ang Diyos ay kanilang nakaharap. Ang Diyos ang bahala sa kanilang kalalagyan. 

Hangad ba nating makapasok sa langit? Gawin natin ang ipinagagawa ni Hesus sa bawat isa sa Ebanghelyo. Bumitaw tayo mula sa mga kayamanang taglay natin sa daigdig na ito. Huwag nating isentro ang ating buhay sa mga kayamanan dito sa lupa na maglalaho rin pagdating ng panahon. Huwag nating samantalahin, apihin, o abusuhin ang kapwa, lalo na ang mga maralita. Huwag tayong magpadala at magpatalo sa mga tukso't pang-aakit ng laman. Piliin natin ang Panginoong Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Isakripisyo natin ang mga tinataglay natin sa daigdig na ito upang makapasok tayo sa makipot na pintuang patungong langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento