Biyernes, Agosto 16, 2019

SIYA BA ANG ATING PAPANIGAN?

18 Agosto 2019 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Subalit, ang Kanyang pahayag sa Ebanghelyo ay parang taliwas sa nais ilarawan ng titulong ito. Dahil kilala Siya bilang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Panginoong Hesukristo ay inaaasahang maghatid ng kapayapaan. At iyon naman ang Kanyang ginawa. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit nagsalita nang ganoon na lamang sa Ebanghelyo ang Panginoong Hesukristo. 

Mapapaisip ang karamihan kung bakit iginawad sa Panginoong Hesus ang titulong iyon. Hindi iyon ang nararapat sabihin ng kinikilalang Prinsipe ng Kapayapaan. At kung tutuusin, ang kapayapaan at pagkahati-hati ay magkasalungat. Kaya naman, sa unang tingin pa lamang, ang mga sinabi ni Kristo sa Ebanghelyo at ang Kanyang titulo ay magkasalungat. Paano Niyang magagawang maghatid ng kapayapaan sa lahat at maging dahilan ng pagkahati-hati? Magtataka lamang tayo kung bakit ang Prinsipe ng Kapayapaan ay isa sa mga titulo ni Kristo kahit na ang mga salitang namutawi mula sa Kanyang mga labi sa Ebanghelyo ay ibang-iba. Nagmistulang huwad ang titulong Prinsipe ng Kapayapaan dahil sa mga inihayag ng Panginoon sa Ebanghelyo. Parang sumasalungat si Kristo sa Kanyang misyon.

Taliwas nga ba talaga ang pahayag ng Panginoon sa Ebanghelyo sa pagsasalarawan sa Kanya ng Kanyang titulong Prinsipe ng Kapayapaan? Talaga bang hindi naaayon ang Kanyang mga sinabi sa Kanyang titulo? Ano nga ba talaga ang nais iparating ng Panginoon sa pahayag Niyang ito sa Ebanghelyo? 

Si Hesus ay hindi tumataliwas sa pagiging Prinsipe ng Kapayapaan. Si Hesus ay hindi sumasalungat sa Kanyang tungkulin bilang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang nais Niyang iparating sa pahayag na ito ay ibang-iba ang kapayapaang kaloob Niya sa bawat isa sa kapayapaang ibinibigay ng daigdig. Kapayapaan naman talaga ang Kanyang bigay sa lahat. Subalit, ang ibig sabihin ng Panginoong Hesus ay hindi Siya tatanggapin ng lahat ng mga pinagkalooban Niya ng kapayapaan. Nakakalungkot, pero iyon ang katotohanan. Si Hesus ay hindi tatanggapin ng lahat, kahit mabuti at maganda ang Kanyang ibinibigay. Hindi rin malabo ang posibilidad na kahit ang ating mga kapamilya, kapatid, kaibigan, o 'di kaya kapanalig ay hindi tatanggap sa butihing Panginoon at ang Kanyang mga kaloob. 

Naranasan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang hindi pagtanggap sa kanya dahil sa kanyang pagtupad sa misyong ibinigay ng Panginoong Diyos nang buong katapatan. Hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan dahil nanatili siyang tapat sa Panginoon. Tampok pa nga sa salaysay sa Unang Pagbasa kung paanong si propeta Jeremias ay binalak patayin ng kanyang mga kaaway. Isinalaysay pa kung ano ang kanilang ginawa laban kay Jeremias upang tiyakin na siya'y mamamatay. Bakit nais nilang patayin si propeta Jeremias? Sapagkat hindi nila matanggap ang mensahe ng Diyos na inilahad sa kanila ni propeta Jeremias. Ipinasiya ni propeta Jeremias na manatiling tapat at masunurin sa Diyos. Ipinasiya niyang tuparin ang ipinagawa sa kanya ng Diyos nang buong katapatan. Subalit, ang kapalit ng kanyang pasiya ay napakabigat at napakasakit. Dumami ang kanyang mga kaaway. Dumami ang mga naghangad na siya'y patayin. Siya'y naging kaaway ng lahat. 

Iyan din ang pinatotohanan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa. Alam niyang ang pag-uusig na kanyang dinadanas ay dinadanas rin ng kanyang mga tagasubaybay. Silang lahat ay inusig dahil ipinasiya nilang manalig at sumampalataya kay Kristo. Dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya kay Kristo Hesus, ipinasiya nilang magpabinyag at umanib sa Kanyang Simbahan. Si Kristo ang natatanging dahilan kung bakit sila'y inusig. Si Kristo ang dahilan kung bakit lagi silang nanganib mula noong sila'y magpabinyag. Inusig sila dahil kay Kristo. 

Sa kasalukuyang panahon, marami ang nagiging mga martir dahil ipinasiya nilang pumanig sa Panginoon. Pinatotohanan nila ang habag ng Panginoon nang buong katapatan. Dahil sa kanilang tapat na pagsaksi sa Ebanghelyo, sila'y inusig ng mga ayaw tumanggap sa Kanya. Inuusig sila ng mga nagnanais isulong ang kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay. Ang garapalang katiwalian ay pinapairal nila nang buong sigasig. Iyan ang dahilan kung bakit inuusig nila nang gayon na lamang ang mga tapat na lingkod ng Panginoon. Tinututulan nila ang nais isulong ng mga garapal sa lipunan na pawang magdudulot ng masama sa lahat. Bakit sila tutol sa mga binabalak ng mga tiwali? Dahil ang mga adhikain na ito na magdudulot ng kasamaan ay labag sa paningin ng Diyos. Ang kulturang nais nilang isulong na puno ng katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay sa tao, lalo na sa mga inosente, ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga tapat na lingkod ng Panginoon na sumasaksi sa Ebanghelyo ay naninindigan laban sa pagsulong ng kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay sa lipunan. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na may mga pumapanig sa mga naghahangad na pairalin ang kultura ng garapalang katiwalian sa lipunan. Pinapanigan nila ang mga manlilinlang, mang-aapi, at walang pagpapahalaga sa buhay ng tao. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, at nagpapalinlang. Kinukunsinti ang panlilinlang na ginagawa. Kinukunsinti ang panawagang pumatay ng mga tao, kahit inosente. At kapag binatikos o binigyan ng suhestiyon na mas maganda pa, sila pa ang magagalit dahil ang kanilang sinusundan ay laging tama at hindi nagkakamali. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong kung handa ba tayong pumanig at maninidigan para sa Panginoon. Kaya ba nating maging tapat sa Panginoon kahit na hindi Siya tinatanggap ng iba? Ibibigay ba natin sa Kanya ang tapat nating pag-ibig, pananalig at pananampalataya? Handa ba tayong talikuran ang lahat para sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento