Lunes, Agosto 19, 2019

PAG-IBIG AT PAGGALANG SA ATING INANG REYNA

22 Agosto 2019 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 
Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Isinalaysay sa Ebanghelyo ang isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. Nagpakita ang Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ibalita sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa paghirang sa kanya ng Diyos. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kahit na labis siyang namangha dahil sa ibinalita at ipinaliwanag sa kanya ng anghel, ibinigay ni Maria ang kanyang "oo" sa Diyos. Pinahintulutan ng Mahal na Inang si Maria na matupad sa pamamagitan niya ang kalooban ng Diyos. 

Kapansin-pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ang paggalang na ibinigay at ipinakita ni Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. Ang paggalang na ibinigay ng anghel sa Mahal na Ina ay higit pa sa paggalang na inilalaan sa mga reyna. Ito ay pahiwatig ng karangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon. Isa itong pagsulyap sa gagawin ng Diyos para sa Mahal na Birhen sa katapusan ng kanyang buhay sa daigdig. Pagdating ng oras ng kanyang paglisan sa lupa, ang katawan at kaluluwa ni Maria ay iaakyat ng Diyos sa langit. Sa pagpasok ng Mahal na Inang si Maria sa langit, tatanggapin niya mula sa Diyos ang kanyang korona bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinapahiwatig nito. Higit na espesyal si Maria kaysa sa ibang mga babaeng namuhay dito sa daigdig. Siya lamang ang binigyan ng ganitong karangalan at responsibilidad mula sa Diyos. 

Habang namumuhay pa sa daigdig si Maria, ipinasulyap na sa kanya ng Diyos ang karangalang ito sa pamamagitan ng pagsugo Niya kay Arkanghel San Gabriel upang ihatid ang Magandang Balita. At ang pagbati ng Arkanghel na si San Gabriel ang nagbigay ng paliwanag kung bakit si Maria ay itinampok ng Diyos sa lahat ng mga babae. Bakit nga ba napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos? Bakit nga ba ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para kay Maria? Sabi ni San Gabriel Arkanghel sa kanyang pagbati na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesus (1, 31). Si Hesus, na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ang Sanggol na tinukoy ni propeta Isaias noong inihayag niya sa Unang Pagbasa na isisilang ang isang sanggol na lalaki upang mamahala sa lahat (9, 5). Ang kapalit nito'y ang pagtanggap sa pagpapala at karangalang bigay sa kaniya ng Diyos bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinasulyap sa kaganapang ito sa kasaysayan ng pagligtas sa atin ng Panginoong Diyos. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay ang Ina at Reyna ng Haring si Kristo Hesus. Kung tunay nating iniibig ang ating Panginoon at Haring si Hesus, iibigin rin natin ang Kanyang Reyna at Inang si Maria na Ina. Tandaan, ang Mahal na Birheng Maria ay hindi lamang Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus kundi Ina rin nating lahat. Siya'y Ina rin nating lahat na bumubuo sa sambayanang Kristiyano. Si Maria pa nga ang ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating Ina. Kaya, marapat lamang na ang Mahal na Ina ay ating ibigin at igalang bilang ating Ina at Reyna. At kapag iyan ang ating ginawa, ipinapahayag natin ang ating pagmamahal at pagsamba kay Hesus bilang ating Panginoon at Hari. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento